Press Release
November 26, 2018

Villanueva's closing remarks during the Senate labor hearing

Ngayong araw, napatunayan po natin kung gaano po talaga ka-hospitable tayong mga Pilipino. Pero 'yung "Filipino hospitality" na kinikilala sa buong mundo eh masyado naman po yata nating sineryoso. Kasi kung banyaga ka, lalo na kung Chinese national ka, at gusto mo pumasok at magtrabaho dito sa Pilipinas, ang initial requirement - dapat turista ka lang!

'Di po ba kapag may bisita tayo, ano ang lagi nating sinasabi sa kanila: "sige, feel at home, hangga't gusto mo mag-stay, bukas ang tahanan namin..."

Nabanggit ko po ito kasi ang nangyayari, bibigyan pa pala natin sila ng SWP o Special Work Permits kahit walang AEP. Naalala ko po 'yung palaging sinasabi ng Inang Nena: "pinatuloy mo na, ninakawan ka pa."

Lahat po tayo dito, for sure, nakaranas ng mag-apply ng VISA abroad - Korea, Japan, Schengen Visa, UK Visa at ang unang ipapagawa sa'yo, alamin mo muna kung anong VISA type mo. Kapag tourist ka, tourist ka lang. Ibabalandra pa nila sa mukha mo 'yung warning na "you cannot engage in any employment" sa bansang papasyalan mo.

Klarong-klaro po: itong mga Chinese nationals, ninanakawan ng trabaho ang mga Pilipino, inaagawan ng tirahan, at kinukupitan ng oportunidad ang mga Pilipino.

And the numbers don't lie, as confirmed by USec Lagunzad, that there's an upward trend in the arrival of Chinese nationals, that's why we need a regulation on the employment of foreign nationals to ensure that jobs here in the country are by and large for the Filipino workers.

Ang nakasaad po sa ating Konstitusyon ay klaro din naman: bigyan ng preferential treatment ang ating mga manggagawa.

Kung sinasabi ng Bureu of Immigration na hindi karamihan ang mga Pilipino na marunong mag-Mandarin, eh ano po ang ginagawa ng mga Language Skills Institute natin sa TESDA?

Kaya po nating mag-train ng skills, wala namang hindi kakayanin ang mga Pilipino kaya nga po in-demand ang mga Filipino workers kahit saang bahagi ng mundo.

Mukhang ang isa sa pinagmumulan ng problema ay ang proseso ng pagbibigay ng AEP ng DOLE at ang labor market test na idinadaan lang sa publication sa newspaper of general circulation.

Dito naman sa mga POGO, tama po ang suhestyon ni Senator Poe na i-require yung under study para eventually, maibalik na sa mga Pilipino ang mga trabahong pinapahiram natin sa kanila ngayon.

Pero uulitin ko po ang paniniwala natin na hindi dapat lumaganap pa ang sugal at lalo na pong hindi dapat na ang bangka pa mismo ng sugal sa Pilipinas ay mismong ang gobyerno.

Nabanggit ko po 'yan kasi ang paghahanap natin ng oportunidad para sa mga Pilipino, may sangkap ho itong pagsisikap at pagpapaunlad ng sarili pero ang sugal, ang itinuturo ho n'yan ay umasa na lang sa swerte.

In sum, sa isyu ng illegal Chinese workers, klarong may kapabayaan sa parte ng ating mga ahensya na protektahan ang trabaho para sa ating mga kapwa-Pilipino at sa ating mga OFWs.

Gusto ko lang pong idagdag kung bakit napakaimportanteng matugunan ang "social dumping" na bumiktima sa mga Filipino truck drivers - nagbukas po kasi ng pinto ang Poland at iba pang bansa sa Europa - Germany, Czech Republic, Norway, etc. para sa mga Filipino workers lalo na sa Information Technology, Construction, manufacturing, etc at kinumpirma po yan sa atin ng Philippine Association of Service Exporters Incorporated o PASEI.

News Latest News Feed