Press Release
January 10, 2019

Transcript Portion of Sen. Grace Poe's Interview
dzRH with Dr. Cesar Chavez

On common tower policy

Dr. Cesar Chavez: Senator, sa common tower policy, anong dapat ipangamba dito? Bakit ba nangangamba dito ho kayo at ang ating mga kababayan?

Sen. Grace Poe: Salamat sa pagtanong niyan; sa ating mga kababayan, kung napapansin ninyo, masama ang signal ng telepono natin, mabagal ang internet natin, maraming problema sa ating cellphone. Alam mo, malaking dahilan din diyan ay kulang tayo ng mga cellular towers, parang antenna lang 'yan ng bahay, pero ito dapat sa iba't ibang parte ng ating bansa; kulang tayo ng mga 45,000 pa na mga cell towers. So para magkaroon tayo ng mga cell towers dapat nagpapagawa na ngayon 'di ba? Ang problema, unang una, bago magkaroon ng permit para magkaroon ng cell towers, napakatagal, muli problema din ng local government 'yan. Pangawala, 'yun nga, dalawa lang ang kumpanya na gumagawa din niyan halos 'di ba Globe at Smart. Tapos ngayon, si Presidential Adviser on Economic Affairs RJ Jacinto, ang sinasabi niya na 'yung kanilang proposal ay papayagan lamang nila ay dalawang kumpanya ang gagawa ng cell towers, 'yun ang pagkakaintindi natin. Aba, kung gano'n ang mangyayari ay lalong babagal na naman ang pagtatayo ng mga 'yan. Hindi ba ang gusto nga ng Presidente magkaroon ng mas maraming kumpetisyon lalung-lalo na pagdating diyan sa cellular service para mas bababa ang presyo, mas magiging efficient. Itong ginagawa ni Presidential Adviser on Economic Affairs ay parang kabaligtaran.

Chavez: At saka ho maraming nangangamba sapagkat baka itong policy na isinusulong ni Secretary Jacinto ay parang ine-exempt, binibigyan ng luwag ang third telco sa paggawa ng bagong tore sapagkat ibinibigay na o ipinapasa na sa Smart at Globe ang paggawa ng mga tore, parang may dating na gano'n. Pagdating ho sa Senado ano ho ang gagawin ninyo? Tututulan po ninyo itong isinusulong na patakaran ng Executive department?

Poe: Talagang tututulan ko 'yan at saka hindi ko lang basta-bastang tututulan dahil kung saka-sakaling hindi nila tayo pinakinggan, kasi alam niyo naman Dr. Chavez ganyan 'pag humaharap sa Senado ang gaganda ng sinasabi pero hindi naman nila tinutuloy, kaya mag-fa-file tayo ng kaso kasi kailangan talagang pigilan ang mga ganitong uri ng mga polisiya na sa tingin ko ay makakasama sa ating mga kababayan.

On third telco

Chavez: Ma'am 'yung third telco mayroon ba kayong susunod na hearing dito sapagkat siyempre noong in-announce ng DICT at NTC na nanalo na ang isang third telco player, marami nang umasa na gaganda. Mukhang sa pag-aaral ng mga eksperto hindi gaganda kung third telco lang ang aasahan mo, at least sa susunod na anim na buwan, tama ho ba?

Poe: Noong huling hearing natin, ang naging request ng ibang mga kasamahan natin ay imbitahin ang may-ari ng Mislatel, 'yan ay si Mr. Dennis Uy, para makita na rin natin ano ba talaga ang kanyang pakay, ano ang kanyang magiging plano dito at higit sa lahat ang kanyang pangako na magiging ligtas tayo sa ating mga impormasyon, na hindi malalaman ng isang banyaga ang mga sikretong impormasyon ng ating bansa, lalung-lalo na kung China. Kailangang mag-ingat talaga tayo dahil, oo kaibigan natin sila sa ibang bagay, pero mayroon silang interes sa ating bayan, 'di ba 'yung ating mga teritoryo 'wag na nating ipagkaila 'yun. Kailangang pag-ingatan din natin ang mga impormasyon natin, hindi lamang ng gobyerno, kung 'di ng bawat indibidwal sa ating bansa. So si National Security Adviser Esperon ay iimbitahin po natin ulit sapagkat noong huling hearing hindi po kumpleto ang kanyang mga presentasyon ukol sa pag-alaga ng ating kaligtasan at national security. Iimbitahin din natin si Dennis Uy dahil sinasabi lagi 'sino ba si Dennis Uy?' Mabuti nang makilala siya.

Chavez: Marami ring nangangamba pagkatapos lumabas ang balita na napakarami pa lang utang nito sa iba't ibang kumpanya. Sunod-sunod ang activity, baka ang kanyang sariling absorptive capacity ay maapektuhan 'yung ipinangakong third telco na sana'y magpapaganda ng kumpetisyon na sana'y magpapaganda ng signal. Wala ho ba kayong plano na alamin din ang kanyang financial at technical capability, Senator?

Poe: 'Yan po ang ginagawa ng ating tanggapan ngayon pero sa maraming pagkakataon parang ang hirap kumuha ng impormasyon, mismo pa sa gobyerno natin, sa mga ibang tanggapan lalung-lalo na pagdating sa BIR sapagkat 'yan nga ay isang pribadong dokumento. Pero siguro dapat talaga ay magkaroon ng exemption 'pag pumapasok sa ganito kalalaking mga proyekto sa gobyerno sapagkat kailangan din natin makita at ng publiko 'yung tunay na financial capacity ng isang mamumuhunan.

News Latest News Feed