Press Release
June 21, 2019

GRACE POE's PHONEPATCH INTERVIEW TRANSCRIPT
with dzMM's Kabayan Noli de Castro
June 21, 2019, 7:40 a.m.

NOLI DE CASTRO: Si Sen. Grace Poe, chairperson naman siya ng Senate committee on public services. Ang author po ng 11311 na batas, ang 'Better Terminals' law. Senator, magandang umaga po.

SEN. GRACE POE: Magandang umaga po, Kabayan at sa lahat ng nakikinig, magandang umaga po.

DE CASTRO: Nagulat po kami dito sa batas na ire, ano ho baga ang laman ng batas?

POE: Maraming salamat, Kabayan, naipapaalam mo sa ating mga nakikinig. 'Yung binanggit ninyo na 'Better Terminals' law, sa batas na ito, lahat ng mga land transport stop--ibig sabihin kasama diyan 'yung bus terminals, jeepney terminals, pati roll-on/roll-off terminals--dapat diyan mayroon nang malinis na palikuran. Ang kasama dito, dapat siguradong may hiwalay na palikuran para sa mga kababaihan at saka sa mga lalaki, pati mayroon din dapat para sa mga disabled. Tapos mayroong breastfeeding room, para sa mga nanay. Tapos, dapat ngayon--ito matutuwa ang ating mga manlalakbay--dapat lahat mayroong toilet paper, may sabon, may tubig, nafa-flush 'yung toilet, may adequate lighting.

DE CASTRO: Okay ah.

POE: Alam niyo, kaya naman natin ginawa ito dahil gusto naman nating bigyan ng dignidad ang ating mga kababayan. Parang sinasabi nila, 'Naku, pati ba naman 'yan, ang babaw-babaw.' Alam niyo po, 'pag hindi natin ginawa itong batas, hindi naman nila gagawin ito.

DE CASTRO: Okay, sana itatanong ko, senator, bakit kailangan pa natin ng batas para diyan?

POE: Kasi nga hindi lahat ng terminal ay mayroong mga ganitong serbisyo. Ayusin naman nila ang pasilidad nila, kasi ang isa ring itinutulak ng administrasyong ito ay maging maayos ang ating turismo. Hindi naman magiging komportable rin 'yung mga ibang pumupunta rito kung ang ating mga lugar kung saan puwede silang magbiyahe ay hindi rin maayos ang pasilidad. Kaya lahat po 'yan ay konektado. Pero bilang isang nanay, siyempre 'pag naglalakbay ka kasama ang pamilya mo, ang anak mo, gusto mo namang maayos ang mga ginagamit mong mga pasilidad, so 'yun 'yung batas natin. Ako'y nagpapasalamat din sa Presidente na pinirmahan niya. Malaking bagay talaga sa tingin ko, kasi alam niyo po, Kabayan, 42 milyon ang tinatayang nagbibiyahe--domestically pa lang ito--taun-taon. Ngayon siguro mas tumaas pa ang statistic. Ang minimum na binabayad nila kada biyahe nila--ginagastos ng bawat pasahero--maliit na 'yung P430. So kung iko-compute mo 'yan, parang nasa P20 billion rin ang nakakarating sa mga iba't ibang mga transportation companies kaya dapat naman suklian din nila 'yan ng maayos na lugar.

DE CASTRO: Parang may libreng Wi-Fi pa, hindi ninyo nabanggit, 'yun ang importante.

POE: Oo, libreng Wi-Fi.

DE CASTRO: May diaper changing pa pala doon, kumpleto ah.

POE: Opo, doon sa facility ng banyo, mayroon po dapat 'yan.

DE CASTRO: Maganda ho itong batas na ito, at sabi nga ninyo, kailangan itong batas na ito para maipatupad naman. Paano ang pagpapatupad?

POE: Iba't iba pong mga ahensiya ang mga kukunin natin dito. Siyempre nandiyan 'yung Department of Transportation (DOTr); tapos pagdating naman doon sa mga Wi-Fi, ang DICT (Department of Information and Communications Technology) rin ang magsisiguro na compliant ang mga terminal na 'yan. Pero siyempre, isusulat pa natin ang Implementing Rules and Regulations, so after 60 days, maaaring mas malinaw na ang implementasyon.

DE CASTRO: Senator, ano pong role dito ng local government officials?

POE: Siyempre, bilang opisyal ng mga lokal na mga lugar, dapat 'yung serbisyong maibibigay ninyo sa constituents, siguraduhin ninyong compliant 'yung mga terminal doon.

DE CASTRO: Oo, kasi sila ang nagbibigay ng Mayor's Permit.

POE: Oo nga, tama, so pati sa construction na rin, kapag ginagawa, para maayos. Siyempre bibigyan rin naman natin ng kaukulang oras at panahon ang mga terminal, ang mga may-ari nito, na maging compliant, kasi siyempre kakapasa lang ng batas na ito.

ON PROVINCIAL BUS BAN

DE CASTRO: Okay, kailangan dito, panawagan lang para maipatupad kaagad. Maiba ho tayo, ano na ang latest doon sa ban ng bus sa EDSA?

POE: 'Yung ban on provincial buses. Alam niyo, Kabayan, 'yung totoo noon, dati pa 'yun. Makakaginhawa talaga 'yan kung siyempre, mas kaunti ang terminal doon. Ito lang ang tanong, kung gagawin kasi ninyo 'yan, dapat mayroong connectivity na nakaayos na para sa ating mga pasahero. Hindi naman puwedeng hindi pa tapos 'yung mga ibang modes of transportation, 'yung MRT-7 o kaya 'yung NLEX-SLEX connector roads na mas magpapabilis. 'Yung connectivity, ayusin muna natin. Kasi dati po, Kabayan, nandiyan na nga ang PITX, pero dapat mayroon pang FTI, 'yung common station doon. Tapos dapat mayroon din 'yan sa North hanggang Bulacan.

DE CASTRO: Oo, 'yung sa Valenzuela in the North tapos Sta. Rosa sa South.

POE: Hindi pa naman naayos 'yan, paano ngayon. So parang nag-iimplementa tayo ng gano'n pero hindi pa naman madaling magkonekta lahat, so ayusin siguro ng DOTr 'yun. Upuan nila ulit para naman hindi na masyadong namemerwisyo at nasasakripisyo, porke't taga-probinsya ang ating mga kababayan.

DE CASTRO: May problema lamang tayo dito sa mga sinasabi nating terminal sa EDSA kasi kung aalisin sila doon, baka hindi na sila puwedeng mag-modernize ng kanilang terminal dahil aalis din naman sila.

POE: Isa pa 'yan, siguro dapat na rin na 'yung long-term plan ng DOTr ay sabihin na nila. At saka parang urong-sulong, kasi po, ngayon sasabihin nila ililipat natin, ngayon makikita mo, 'lumipat na ba, parang hindi naman.' Parang nag-eksperimento pero walang kasiguruhan, at 'pag gano'n, 'yung mga namumuhunan pati na rin 'yung mga pasahero ay hindi makapag-plano ng tama.

DE CASTRO: At saka may kaso pa hong na-file--humihingi ng TRO--tatlo na yata ang kasong naka-file sa Supreme Court.

POE: Baka ma-grant ang TRO na 'yon kung hindi maayos ang mga paglilipatan ng mga pasahero.

DE CASTRO: Senator, maraming maraming salamat po. Nasa inyo pa rin po ang committee on public services?

POE: 'Yun ang huling balita.

DE CASTRO: May nakiki-agaw din ba?

POE: Wala na naman po, medyo naayos na ni Tito Sen. Mabuti nang official na lang po pagbukas ng session natin.

DE CASTRO: Okay, senator, maraming maraming salamat po at good morning.

POE: Good morning din po.

News Latest News Feed