Press Release
July 3, 2019

Transcript of Interview of Senate President Vicente C. Sotto III on DZMM Teleradyo with Ted Failon

On the 14th month pay.

Q: Ano ang pinaguusapan nating threshold dito para sa mga kumpanyang obligadong magbigay ng 14th month pay?

SP Sotto: Kasi hindi pa nila binabasa yung bill, pinipintasan na nila. Sana pag-aralan muna nila, kasi na-address nung batas yung sinasabi nilang problema ng mga kumpanya. Maraming exemptions, pero ito, inexpand lang natin yung Presidential Decree 851. Merong batas na 13th month pay, sinusunod naman yun, lampas pa nga, 15th month, 16th month yung binibigyan. Lahat yun, exempted. Kung ikaw ay distressed employer, certification lang ng BIR alam natin kung ikaw ay distressed employer o hindi. Tapos yung government employers, hindi kailangan dahil meron naman silang benepisyong ganun. Tapos, yung mga paid in commission, yung mga by commission, hindi naman kasama yun. Ang pinag-uusapan lang dito basic salary mo. Hindi kasama yung mga allowances, o monetary benefits, (unclear) fixed salary ng empleyado, ang gusto natin, maibigay yung 14th month pay bago magpasko, yung 13th month pay, ibigay ng June para makatulong doon sa mga tuition fee or enrolment ng mga kababayan natin. Palagay ko naman, yung iba, sinasabi nung iba, kami nagbibigay na ng 14th month, yung 15th month, eh di ibigay ninyo sa amin (unclear).

Q: Siguro po maganda rin pag nagkaroon na ng actual po na pagdinig, para may datos na talaga na lalabas, ilang kumpanya ang kakayanin, at saka siguro po may threshold din doon sa sinusuweldo ng isang manggagawa?

SP Sotto: Correct. Tama, ganun naman ang idea nung bill, sapagkat ang target nito kung tutuusin, ang target dito, yung ayaw magbigay.

Q: Yung kaya naman pero talagang ayaw?

SP Sotto: Oo, kaya naman, pero talagang ayaw. Meron akong narinig na, kahapon yata yun, merong nagrereklamo, sabing ganun ay dapat daw huwag makialam ang gobyerno sa business at hayaan ang business na magbigay kung ano ang gusto nilang mabigay sa mga empleyado nila, kung ganun, baliktarin natin ito, punta tayo sa kabilang extreme nito, irepeal natin yung PD 851, na huwag magbigay ng 13th month pay dahil nakialam ang gobyerno doon. Kailangan makinig muna sila sa hearing, pumunta sila sa hearing, imbitado naman sigurado lahat ng mga sector na yun, at malalaman nila kung ano yung mga pwede at hindi.

Q: Nabanggit ninyo yung hearing, meron na po bang chairman ang committee on labor?

SP Sotto: Ang current labor chairman ay si Senator Joel Villanueva and apparently, siya pa rin ang mananatili sa 18th Congress.

Q: So si Senator Joel pa rin po?

SP Sotto: Oo.

On the chances of the death penalty bill this 18th Congress.

SP Sotto: Ang tingin ko, kung meron mang may pag-asa, yung high-level drug trafficking lang, at ang sitwasyon ngayon, masasabi ko lang, nadagdagan yung boto in favor, so far. Depende pa yun sa deliberasyon, tingnan pa natin kung kakayanin o hindi, pero sa akin mas kumportable ako na malamang malaki ang pag-asa kung high-level drug trafficking lang ang reimposition ng death penalty.

Q: So meron pong panuntunan diyan, example po, kung nandoon ka na sa Bilibid, nakakulong ka, doon ka pa rin nagta-transact ng negosyo mo sa droga?

SP Sotto: Qualified ka. Yun kasing palagay mo yung drug pusher, yung driver ng isang malaking truck, hindi high-level drug trafficker yun, di ba? Yung pusher na karaniwang nagbebenta, pwedeng kulong lahat yun, rehabilitation yung iba. Pero yung big-time drug operator, nakakulong na, nag-ooperate pa. Kayang-kaya niya mag-operate. International, national, ang dali-daling makagamit ng kung anong communication nila. Yun ang binibigyan natin ng parang Sword of Damocles, na naka-amba doon, it is the defense mechanism ng gobyerno para sa kanila. Para doon sa nagmamanufacture dito sa atin, imbis na takot sa Indonesia, takot sa China, takot sa Singapore, Malaysia, takot sila doon, may death penalty sila doon, dito nagmamanufacture ang mga loko. (Unclear) din natin yung atin para matakot sila at pwede talagang mayari sila doon.

Q: Kasi ho yung mga nakakulong na sa Bilibid, ang katuwiran, eh di ikulong ninyo ako.

SP Sotto: Oo, totoo.

On lowering the age of criminal liability.

Q: Yung panukala ninyo na ibaba ang age of criminal responsibility, liability, can you educate us? Ibinaba ninyo sa edad na nuwebe pataas?

SP Sotto: Twelve lang. Yun ang pinaka-payag ang karamihan, at saka mas practical, merong data to prove it. Yung nine to twelve medyo mahirap ang data. Merong hindi kasing alarming ng 13 years old paakyat, matindi ang dokumento ng PNP diyan.

Q: Dadaan yan sa matinding deliberasyon, kasi ngayon pa lang meron ng kumokontra, that's a given.

On the absolute divorce bill.

Q: Sa Lower House, umabot ng third and final reading yan under Edcel Lagman's proposal, sa Senado ni hindi namin naamoy ito na umusad. Ngayong 18th Congress kaya mabigyan na ito ng pagkakataon?

SP Sotto: Mahirap sagutin ng oo o hindi yan ngayon, pero ang masasabi ko lang, kasi nung nakaraan, ang chairman ng committee on women ay si Senator Risa Hontiveros, ay member ng minority. Syempre, alam mo na kung member ng minority, medyo hirap ng kaunti. Ngayon ang magiging chairman ay si Senator Pia Cayetano. Depende sa pagdadala ni Senator Pia kung saan niya dadalhin yung usapin niyan, kung may magfafile sa amin. Kung hindi man, hintayin natin kung ano yung dumating na House version. Talagang very debatable pero panahon na sigurong pag-usapan.

Q: Siguro at least mapagusapan at mapakinggan ang kabilang panig, and eventually we will lead with your wisdom, ano ang desisyon ninyo, kasi alam ninyo sa ating lipunan, kung minsan hindi natin tinatanggap yung katotohanan na sa ating lipunan ngayon, maraming nag-asawa, kinasal na nag-hiwalay na sila at nag-kanya-kanya na ng buhay, wala ng pakialaman. Kasi nga doon sa annulment, hindi maitatanggi na tedious yung process, at magastos pati.

SP Sotto: Napaka-mahal, napaka-tagal.

Q: So marami na ngayon ang naghiwalay, nagkanya-kanya na ng buhay, nagkanya-kanya na ng pamilya at anak. Lumalabas na yung mga anak nila ay anak sa labas.

SP Sotto: Tama, kahit sa mata ng batas.

Q: Di ba nga kasi nga po hindi makapag-asawa ng nagsasama, kasi meron pa silang mga legal impediments. How do you correct that? Kasi sa bandang huli, kawawa din yung bata.

SP Sotto: Oo nga. Siguro yung ang isa sa mga magandang feature na mapapagusapan natin kung ito ay mapapalaman doon sa mga panukala nila. Matagal na kasi kaming napapagbintangan na inupuan namin, pag-usapan natin. Pag-usapan natin, tingnan natin kung ito ay mas magandang version ng annulment, at hindi naman makakasagasa sa mga panuntunan ng simbahan at mga ibang relihiyon, open tayo sa mga panukala nila.

Q: It's about time na at least man lang pagdebatihin natin ito, kasi sa House, nakalusot.

SP Sotto: Sa Senado, mapagusapang mabuti, natin, baka nga may benepisyong mabuti, kasi ang kwento nila, sabi sa akin ng kababaihan, sila daw ang agrabyado kaya diyan daw sa divorce, sila daw ang makikinabang.

Q: Ano po ang stand dito ni Mam Helen?

SP Sotto: Hindi namin napapagusapan. Buti tinanong mo sa akin, tatanungin ko nga siya mamaya.

News Latest News Feed