Press Release
July 22, 2019

BINABALOT MAN TAYO NG DILIM, TAYO AY MANANAIG
*Akbayan Senator Risa Hontiveros' speech
Misa para sa Katotohanan (Alternative SONA)
July 22, 2019, St. Peter's Cathedral, Commonwealth, QC

Maraming salamat at ako ay inyong naimbitahan sa mahalagang pagtitipon na ito. Sa isang panahon na ang lahat ng lumalaban para sa karapatang pantao at demokrasya ay tinatakot, hinaharas, sinasampahan ng mga pekeng kaso at ikinukulong, ang mga pagtitipong ganito ay hindi lamang maituturing na matapang, kundi mga maliliit na tagumpay na rin.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano pa ang aking aasahan sa ika-apat na SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa nakalipas na tatlong SONA ng pangulo, wala na tayong narinig kundi mga mura, pananakot, patayan at pambabastos sa kababaihan. At ngayon naman, gusto ni Pangulo na gamitin ang SONA para depensahan ang kanyang verbal agreement sa China na pwede itong mangisda sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ).

Gusto ko lang ipaalala kay Pangulong Duterte na State of the Nation Address po yan hindi State of China's Province Address. Gusto natin ng SONA na made in the Philippines, hindi made in China.

Sinasayang ng Pangulo ang kanyang popularidad at suporta sa tao. Imbes na gamitin sa tama, ginagamit niya ito para yurakan ang ating karapatan at demokrasya. Popular ka nga pero kaliwa't kanan ang patayan. Popular ka nga pero bastos ka naman sa kababaihan. Popular ka nga pero sunod-sunuran ka naman sa Tsina. Sikat siya sa mga masasamang dahilan. Sikat siya sa patayan, bilang si Boy Bastos at tagasunod ng Tsina.

Alam po ninyo, hindi lahat ng popular ay tama. Hindi lahat ng popular ay demokratiko. Hindi lahat ng sikat ay tapat. Tandaan natin, ilan sa mga umusbong na diktador ay pansamantalang popular. Pero sa dulo, lahat din sila ay bumagsak at gumuho.

Kaya huwag tayo panghihinaan ng loob. Tignan natin ito bilang hamon. Higit kailan man, kailangan nating kausapin, kumbinsihin at mulatin ang ating mga kababayan sa katamaan ng demokrasya at ilayo sila sa tukso ng diktaturyang pamumuno. Walang shortcut sa demokrasya. Lahat nang lider na nag-shortcut sa demokrasya, nauwi sa diktaturya.

Kasama nito, sama-samang nating tutulan ang tangkang charter change. Huwag tayong maniniwala na kailangan daw ang chacha at term extension para mas maraming magagawa ang pamahalaan. Pinatunayan natin sa oposisyon, sa mga batas na ating naipasa, na maraming tayong magagawa kahit sa maikling panahon at inuusig ng pamahalaan. Wala yan sa term extension. Kung magtatrabaho lang sila, marami silang magagawa.

Mga kasama, kaibigan, kapwa kababaihan at alyado, buuin natin ang ating pinakamalawak na pagkakaisa. Takutin man nila tayo, sampahan ng mga pekeng kaso at ikulong, hindi tayo padadaig. Binabalot man tayo ng dilim, sa ating pagkakaisa, tayo ay mananaig!

News Latest News Feed