Press Release
August 13, 2019

GRACE POE AMBUSH INTERVIEW TRANSCRIPT

Q: Ano 'yung nakita ninyo kanina, mali ba 'yung provincial bus ban na gustong ipatupad? Nakita niyo ba outright na mali 'yon?

Sen. Grace Poe: Well, nakita naman natin na siguro kulang pa rin sa konsultasyon doon sa mga iba't ibang sektor. Kailangan naman talaga natin ng mga iba't ibang terminal kung saan may connectivity. Pero magpakatotoo naman tayo, kung medyo malalayo ang mga terminal na ito, hindi talaga magiging maayos ang pagpapatupad kaya nga isa sa nakita natin dito, imbes na i-ban ninyo kaagad, bakit hindi kayo kumuha ng mga intermodal terminals within strategic areas dito sa may EDSA kung tatanggalin ninyo 'yung 45 provincial terminals along EDSA. Kung may mga maayos na lugar, kunwari sa North EDSA mayroong isa, mayroon din 'yung sa Cubao, maging mas maayos din doon, mas magiging kombinyente para sa ating mga provincial passengers. Ang isa pa sa aming ipinagtataka, kaya naman nagkakapalpak-palpak itong intermodal terminals natin, kasi hanggang ngayon, ilang taon na, hindi pa rin natatapos, halimbawa 'yung FTI hindi pa nga nag-uumpisa, matagal nang pangako 'yan, kasabay 'yan ng PITX. Ang PITX, naka-deliver na, ang FTI hanggang ngayon hindi pa, dahil may right-of-way acquisition issue. But it doesn't mean na hindi nila dapat umpisahan na 'yan ngayon dahil aabutin pa raw ng 2021 or 2022 bago matapos.

Q: As chairman of the committee, convinced kayo na ma-dedecongest kung tatanggalin ang mga provincial bus o hindi?

Poe: Sa tingin ko, hindi sa pagpapatigil ng mga provincial buses papuntang EDSA pero siguro, pagkakaroon ng mga mas maaayos na terminal within EDSA para 'yung 40 plus na provincial terminals ay hindi na kailangan ng sari-sariling operation within EDSA na nakakadagdag talaga ng time and motion 'yan 'pag mayroong umaatras o umaabante na mga bus papunta doon. At saka kalat-kalat din ang mga pinupuntahan ng ating mga kababayan; 'pag bababa siya galing probinsya sa isang terminal, ano ang connecting transport nila, kung magta-taxi sila o mag-fx sila. Maganda sana, kung sa North EDSA o sa ibang lugar, magkaroon na doon ng intermodal terminals kasi tingnan mo, ang PITX, mas gumagana na ngayon pero kulang pa rin kasi dahil 'yung LRT1 extension o 'yung dapat na bababa doon ay hindi pa nauumpisahan. 'Yung private sector na namumuhunan dapat dito o nanalo ng concession agreement, may malaking pananagutan din. Kaya nga ang sinasabi natin, ang mga buses, ilang porsyento lang ba talaga ang provincial buses. Napakaliit, ikumpara natin sa mga iba't ibang modes of transportation. Ito 'yung nakikita nating solusyon, unang-una, 'yung NLEX-SLEX connector road, kung 'yan ay matapos ng December o first quarter next year, makakatulong 'yan. Sabi nila, about 20 percent ang mababawas na pagdaloy ng trapiko sa EDSA. Pangalawa, 'yung mga intermodal terminals sa FTI at saka sa North, dapat maumpisahan na 'yan at matapos sa lalong madaling panahon. Pangatlo, ano ba talaga ang overall traffic scheme ng DOTr. Kailan matatapos ang LRT-1 extension papuntang Cavite, matagal na rin 'yan. Araw-araw, hindi na nagagawa, nagbabayad ang gobyerno sa concessionaire ng multa, baka kaya walang insentibong tapusin na 'yan.

Q: Ito ang sitwasyon, kasi long-term 'yung mga nakikitang solution. Short-term muna...

Poe: Mayroong suggestion si Congressman LRay at ang ibang galing sa Bicol, halimbawa, na hindi naman talaga nakakasama, lalung-lalo na ang oras pagdating nila ay madaling-araw. So kung puwede namang bigyan ng oras ang ating mga provincial passengers na gamitin ang EDSA, bakit hindi. Sila din naman, lahat tayo, dapat pantay-pantay dito, magbibigayan lang tayo. So kung may oras na puwedeng nandoon, bakit naman natin hindi sila papayagan. Isa 'yan sa nakikita nilang kompromiso dito sa pag-uusap nila.

Q: Dapat kasama rin ba sa recommendation ninyo na 'yung isarado na nga 'yung 46 bus terminals along EDSA? Nakikita niyo 'yung point doon?

Poe: Nakikita ko 'yung punto 'nun na kalat-kalat. Pero alam mo, siyempre ang pagbabago ay hindi madali, pero 'pag magbibigay tayo ng isang panukala o direktiba, kailangan namang iniisip din natin kung ito ba talaga ay magiging maayos; kasi tanggalin nga natin 'yung mga terminals doon, na individual pero dapat mayroong malalaking terminals na integrated bago natin tanggalin 'yon.

Q: So dapat gawa na muna 'yung mga FTI, sa North bago tanggalin or not necessarily?

Poe: Kung hindi man kaagad matatapos ang FTI, bakit hindi 'yung mga existing mall areas na mayroong convertible space para magkaroon ng terminal doon, mas malalaki pa rin 'yon kaysa sa individual terminals ng mga bus na meron ngayon sa EDSA.

Q: Paano 'yung possible na recommendation ng traffic sa Metro Manila unresolved...

Poe: Marami, nabanggit nga natin, 'yung NLEX-SLEX, makakatulong 'yon, 'yung connection ng LRT, kasi kahit papaano 'yung mga galing ng Cavite o 'yung pupuntang Cavite, pwedeng gamitin 'yon. 'Yung pangatlo, 'yung pagkakaroon nga ng consolidated terminals within Metro Manila--hindi Mega Manila--within Metro Manila. At saka 'yung pang-apat na rin siguro, kailangan din natin isipin 'yung elevated walkway, 'yun 'yung iniisip na parang sinasabi nila na P2 billion which will cover the entire Metro Manila, 'yung elevated walkways na 'yon. Kung tutuusin, marami sa ating mga kababayan ang nag-iisip para sa kanilang kalusugan, so bakit naman hindi natin gawin 'yon at sinabi rin ng DOTr na mabilis nilang magagawa ito.

Q: Ma'am pero ang MMDA sabi nila they can't wait for those infrastructure

Poe: Alam mo, sabi kasi nila magkaroon ng dry run, so pagbigyan natin, na sana pagbigyan sila ng korte na bigyan na kung ang dry run na 'yun ay dalawang araw o isang araw. Para makita talaga nila kung gagana 'yan o wala talagang temporary terminals within Metro Manila na puwedeng puntahan kasi maganda rin naman na nagmamagandang-loob din ang mga local government ng Valenzuela at ng Sta. Rosa na meron na, pero totoo naman malayo 'yun eh. Para doon sa ating mga constituents doon sa Laguna, makakatulong 'yung sa Sta. Rosa para iba rin 'yung sa North, 'yung sa Valenzuela makakatulong. Pero dito sa Metro Manila kailangan din natin ng mga interim bus terminals.

Q: Ma'am, review daw po ng MMDA powers?

Poe: Oo, isa pa 'yan sa iniisip natin kasi alam mo lumaki na kasi ang depenisyon ng Manila, hindi na Metro Manila, Mega Manila na, kasama ang Rizal, kasama ang Laguna at ang Batangas. So tingnan mo, ngayon nanghihimasok na ang MMDA kung saan-saan pero sa totoo noon wala naman talaga silang kapangyarihan. Dapat 'yan DOTr kaya malungkot na hindi dumating dito si Chairman Danny Lim pero dapat din si Secretary Tugade pumunta dito. Bakit, so sinabi ng kanilang mga kinatawan, "Ma'am hindi ba kayo kuntento sa aming paliwanag? Naipaliwanag na rin po namin." Hindi sa hindi kuntento, kuntento pero pagdating sa accountability, pagdating sa deniability, 'pag wala dito 'yung mismong namumuno, pwede nilang sabihin, ni Sceretary Tugade, pwedeng sabihin ni Chairman Danny Lim, "Hindi ko naman 'yan ino-authorize." So we need to hear from the top, kung ano ba talaga ang commitment nila. At saka ang ganda-gandang pakinggan ng mga plano nila pero ano ba 'yung timeline nila. Ano ba talaga 'yung presentation nila na hanggang ngayon ay wala pa.

Q: Nag-confirm ba sila na pupunta o basta na lang hindi sumipot?

Poe: Si Chairman Danny Lim nag-confirm...

Q: Tuloy ba 'yung provincial bus ban o hindi?

Poe: Sa ngayon hindi dahil may court order.

Q: Sa inyo Ma'am, gusto n'yo ba siya or hindi?

Poe: Ang sabi ko sa kanila habang nagkakaroon pa ng TRO na ganyan, bakit hindi kayo makipag-usap sa private sector, maglagay ng mga interim bus terminal sa iba't ibang lugar, subukan muna ninyo doon, dito sa Metro Manila alam ko mayroon na sa Laguna pero ang isa pa kausapin muna nila ang mga private concessionaire na nangako na mayroong intermodal terminal dyan sa FTI, hanggang ngayon hindi pa na-de-deliver.

Q: Ma'am bakit hindi sila magtayo ng intermodal terminal doon sa paglampas mo ng Balintawak, NLEX at LRT doon accessible pa sila doon.

Poe: Isa nga 'yan sa puwedeng gawin, kaya nga hindi tayo limitado sa pinapanukala nila ngayon, so lawak lawakan natin ang ating pang-unawa para makita natin.

Q: Sa dami ng pinag-usapang problema sa traffic kanina, you maintain and if I heard it correctly, not necessary na emergency powers from President Duterte, can you expound?

Poe: Nakita mo, ano ba 'yung mga nagiging problema, 'yung kawalan ng pang-unawa sa sitwasyon. Pangalawa, ano pa 'yung mga nagiging problema, 'yung right-of-way, ang nagiging problema 'yung TRO ng korte, 'yun daw ang nagpapabagal sa kanila, implementasyon. Hindi po 'yan masasakop ng emergency powers, hindi pwedeng pagbawalan ng emergency powers ang korte na magdesisyon sa isang bagay, dahil yan ay nasa Konstitusyon natin, pwede siguro hindi 'yung lower courts pero nandyan pa din ang Supreme Court. Huwag nilang iisipin na porke't may emergency powers ay puwede na nilang gawin ang lahat ng gusto nila dahil mayroon tayong Konstitusyon na sinusunod marahil ang gusto lamang nila ay walang bidding, delikado rin naman 'yan, so bukas pa din kami diyan. Kung ito ay magiging priority measures ng ating Pangulo, bakit hindi, pero siguro hihilingin natin ang noon pa namin hinihiling sa DOTr ibigay niyo ang inyong priority projects, hindi pwedeng pati pag-create ng LTO offices kasama sa emergency powers...

Q: Reaction lang po doon sa proposal to revive the anti-subversion law.

Poe: ...Ako mag-iingat ako sa mga ganyang uri ng panukala sapagkat mayroon naman tayong proteksyon sa ating Konstitusyon. Kapag mayroon naman talagang dahilan na sabihin ang isang bagay ay subversive, may korte tayo na pinagdadaanan. Kailangan nating protektahan ang ating demokrasya at hindi pwedeng gamitin ang batas para mapigilan ang malayang pananalita ng ating kababayan at pagkilos.

Q: Message to Chairman Lim and Secretary Tugade?

Poe: Chairman Lim at Secretary Tugade inaanyayahan po namin kayo na dumalo sa aming pagdinig, sa magandang paraan po namin hinihiling 'yan sapagkat marami sa ating kababayan ang nais marinig kayo, kung anong plano ninyo, ayaw naman naming daanin sa subpoena pa ang pag-iimbita sapagkat alam naman namin na siguro ay may malasakit kayo sa inyong mga kababayan.

Q: Kailan po ang next hearing? Ang MOA signing po ba is not enough reason?

Poe: Ito nga 'yung nakakalungkot, hindi ito nga 'yung nakakatawa hindi nga nila alam ang kung ano yung MOA na pinirmahan, sana kung gumawa sila ng dahilan, inayos na nila kung ano 'yung sasabihin na nila. Hindi ko naman iniinsulto maski na sino, so siguro si Chairman Lim ay frustrated na rin, naiintindihan ko hindi madali ang trabaho na 'yan. Pero magpakita ka at magpakatotoo ka sa ating mga kababayan, sabihin mo na "Nahihirapan na ako, hindi nakikinig e." Hindi ganito, maiintindihan natin eh...

Q: Not because hindi siya dumating ngayon nakalusot na siya, will you be inviting him?

Poe: Maayos na nga ang pag-iinvite namin, pero magkakaroon kami ng isa pang pagdinig, alam ko sinasabi nila na marami silang inaasikaso, lahat naman tayo, marami din kaming inaasikaso, gumawa naman ng oras at prayoridad para dito.

Q: Paano kapag hindi pa din umattend si Secretary Tugade, parang never pa siyang umattend?

Poe: Nag-aattend naman siya...Bago pumunta sa ibang bansa, gawin muna ang pag-iimbita dun, ayusin muna natin ang ating sariling kalat sa ating bansa. Sa ating mga kalihim, maayos ang pag-iimbita sa inyo, ayaw nating abusuhin ang kapangyarihan ng Senado kung pupunta naman...

News Latest News Feed