Press Release
December 2, 2019

FAKE NEWS O TOTOONG MAY DINUKOT NA MGA KABATAAN AT KINUHA ANG MGA ORGAN? -- IMEE

Ito ang gustong maliwanagan ngayon ni Senator Imee Marcos mula sa Philippine National Police (PNP) sa gitna ng matinding pangamba at pagkatakot ng mga magulang dahil sa mga ulat hinggil sa mga dinudukot na kabataan sa Metro Manila.

Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos kumalat ang viral post sa social media tungkol sa mga kabataang dinukot sa Pasay City, na siya namang lumikha ng takot at pangamba sa hanay ng mga mag-aaral at mga magulang.

Nag-viral sa social media ang post ni Rusty Sablada na may kuha pa ng CCTV footage na ipinapasok ng dalawang lalaki ang isang tao sa loob ng van sa kanto ng FB Harrison st. at Humilidad st, Pasay City.

Naipakita rin sa post ang siyam na larawan ng iba pang mga kabataan, kabilang ang isang babae na umanoy dinukot sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod noong nakaraang buwan.

Kung fake o totoo man ang balita, naniniwala si Marcos na hindi ito dapat ipagwalang-bahala ng pamahalaan lalo pa't lumilikha ito ngayon ng pangamba at takot sa maraming pamilyang Pilipino.

"Sabihin man na fake news ito o hindi, kailangang umaksyon ang gobyerno rito dahil maraming ang natatakot na mga kabataan, mga magulang at bawat pamilya," dagdag pa ni Marcos.

Anya, kailangan aksyunan agad ito ng PNP. Kailangan ang mabilisang beripikasyon sa mga balita ng pagdukot at magsagawa ng mga preventive measures gaya ng pagdadagdag ng police visibility sa mga lansangan.

Kailangan din ang matinding information drive ng PNP at mga local na pamahalaan na makatutulong sa mga pamilya kung paano mapananatiling ligtas ang kanilang mga anak.

Ayon kay Marcos, matinding takot sa mga mag-aaral at mga magulang ang nararanasan ng nasabing mga pagdukot at pagkuha di umano sa mga organs ng mga batang tinangay.

News Latest News Feed