Press Release
March 23, 2020

STATEMENT OF SEN. FRANCIS PANGILINAN
ON EMERGENCY POWERS BILL

Makinig sa taong-bayan: PPE, free mass testing, at social safety nets

"Ika-anim na araw na simula nang magkaroon ng enhanced community quarantine sa buong Luzon. Sa loob ng panahong ito, nakita natin ang ilang katangi-tanging inisyatiba ng mga local na pamahalaan at kabayanihan ng mga ordinaryong mamamayan. Nakita rin natin ang ilang nakakabahalang mga ulat mula sa ating mga front-liners, lalo na ukol sa kakulangan ng mga gamit na pamproteksyon at ng kapasidad para sa testing.

Matinding kalituhan at kawalan ng kasiguraduhan. Iyan ang bumalot sa buong Luzon nitong mga nakaraang araw.

Kaya't kami ay nababahala na sa harap ng epidemyang ito ay dagdag na kapangyarihang maaring maabuso ang ipinapanukala.

Nananawagan kami na bukod sa magpokus sa pagpapatupad ng quarantine, kailangan ding palakasin ang mga social safety net para masigurong makabawi ang bawat isa at sa kabuuan, ang ekonomiya at pamayanan.

Kailangan nating isipin: Paano ang mga nasa laylayan? Paano natin sila matutulungan? Paano ang mga pamilyang umaasa lamang sa araw--araw na kita? Paano ang mga negosyo?

Tinutulak namin ang ilang payo ng mga eksperto:

1. Sapat na personal protective equipment para sa mga front-liners.

2. Sapat na testing kits para sa lahat ng mga nasa laylayan sa mga komunidad.

3. Sapat na medical equipment gaya ng ventilators at oxygen sa mga ospital.

4. Sapat na hospital bed para sa mga pasyenteng may COVID-19.

5. Bagong hospital wing para sa mga pasyenteng may COVID-19 (Ayon sa mga eksperto, pwedeng gawin ito sa Jose Rodriguez Memorial Hospital o Quezon Institute, kung saan meron pang espasyo.)

6. Dagdag na compensation at access sa mga temporary housing facilities para sa mga front-liners.

7. Sapat na isolation area para sa mga persons under investigation (PUI) at under monitoring (PUM).

8. Social safety net tulad ng unconditional cash transfer at food security para sa lahat.

9. Tulong pinansyal para sa mga arawan ang trabaho at kita.

10. Economic package para sa negosyong naapektuhan ng kalamidad.

Nauna nang nagmungkahi ang Minorya sa Senado tungkol sa supplementary budget, food supply, at logistics. Marami na ring mga eksperto sa ekonomiya ang nagsumite ng kanilang mga mungkahi kung paano mapapagaan ang epekto ng epidemyang ito hindi lamang para sa mga mahihirap at mga ordinaryong mamamayan, kundi pati na rin sa mga micro, small, at medium enterprises at mga may-ari nito.

Umaasa kami na papakinggan ito ng pamahalaan at, sa darating na mga araw, ay makakita ng kungkreto at agarang plano ukol dito.

Nandito kaming mga Senador upang tumulong sa pag-aksyon laban sa COVID-19. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay kakalimutan na natin ang trabaho ng isa't isa. Pantay-pantay ang tatlong sangay ng pamahalaan at hindi maaring makakalamang ang isa. Kailangang respetuhin ang kanya-kanyang jurisdiction.

Nababahala kami na ang isinumiteng draft bill na nanghihingi ng emergency powers ay may mga probisyong labag sa Saligang Batas. Sa Section 6 on Penalties, hindi pwedeng gumawa ng penal laws ang ehekutibo. Trabaho ng mga senador at kongresista iyan.

Pokus dapat sa mga kagyat na pangangailangan: Personal protective equipment (PPEs) para sa mga frontline workers at free mass testing para sa lahat nang nangangailangan. Mayroon nang probisyon sa mga kasalukuyang batas ang nagpapahintulot ng mas mabilis na produksyon at procurement ng mga ito.

Palakasin din ang kakayahan ng mga LGU na suportahan ang kanilang mga nasasakupan dahil sila ang mas nakakaalam ng kanilang mga pangangailangan.

Inuulit namin: PPEs, mass testing, at social safety nets.

Nanawagan kaming mas maging bukas sana ang pamahalaan sa mga hinaing ng taong-bayan."

News Latest News Feed