Press Release
March 29, 2020

Interview ni Senator Win Gatchalian sa DZBB kasama si Weng Salvacion ukol sa COVID-19 mass testing

Q: Good morning Senator Gatchalian.

SEN WIN: Good morning Weng at sa lahat ng ating mga tagapakinig.

Q: Good news na kayo ay negatibo na at nakikita ko na napaka-active ninyo sa Valenzuela. Parang wala na kayong tulog simula ng nagnegatibo kayo ah.

SEN WIN: Oo nga eh. Binigyan ako ng assignment ni Mayor Rex dahil nagtutulungan kami ditong i-address at maghanap ng solusyon para hindi na kumalat ang COVID-19 dito sa Valenzuela. Nakakalungkot lang na meron na kaming limang cases ngayon at isa ang nasawi. Nabanggit ko lang ito dahil importanteng nalalaman namin kung ilang cases na dito at kung saan dahil ang laban ho dito ay paano mabawasan at mapigilan ang pagkalat. Kasi ang iniisip namin, talagang pupunta at pupunta ang virus dito pero ang hamon sa amin, wag kumalat ang virus sa aming komunidad.

Q: Speaking of that Sir, malalaman nga natin yan Sir kapag may testing. Ano ang posisyon niyo sa massive testing dahil clamour na ito ng iba't-ibang sektor pero ang sinasabi ng DOH ay kulang sa kakayahan so far.

SEN WIN: Magandang tanong yan. Dahil nga may on the ground experience tayo, gusto ko lang sabihin na hindi ho tayo doctor o epidemiologist pero ang aking perspektibo ay sa local government at kung paano lalabanan ng local government ang pagkalat ng virus sa kanilang komunidad at LGUs. Ako, naniniwala na ang panlaban at pinakamabisang paglaban sa virus ay dapat mag-umpisa sa local level. Wag na nating paabutin ito sa ospital dahil kapag umabot ito sa ospital, at marami ang mga pasyente, hindi kakayanin ng ating mga ospital. Dapat sa local pa lang, mapigilan na at wag nang kumalat. Kaya ang posisyon ko dito sa mass testing, importante ang mass testing pero hindi yan ang solusyon. Marami kasi ang nagsasabi na mass testing tayo, tama yun pero hindi yun ang ultimate solution. Ginagamit natin itong mass testing para malaman natin kung sino ang may sakit at sino pa ang nahawaan at ma-isolate itong mga may sakit at nahawaan. Kung nasundan niyo ito sa internet, ang Iceland, tinest nila lahat ang kanilang populasyon at lumabas doon na 50% ng mga tinest nila ay asymptomatic. Ibig sabihin, walang sakit so akala mo wala kang sakit, ikot ka ng ikot, lumalabas ka, pumupunta ka ng mall, hindi mo alam nakakahawa ka na pala. Yun ang dapat nating mahuli at ma-detect dahil karamihan dito sa mga taong ito, hindi nila alam na nakakahawa na sila. Ang problema, kahit wala kang sakit, mahahawaan mo ang isang senior citizen, kawawa naman ang senior citizen na yun.

Q: Kaya ang sikreto doon ay mass testing Senator?

SEN WIN: Ang aking posisyon, mass testing pero unahin natin ang mga may sakit at ang kanilang household. Hindi lahat ng tao. For example, dito sa Valenzuela, ang gusto ho naming itest ay yung mga kamag-anak niya, yung mga taong nasa loob ng bahay at mga nakapaligid sa kanya. Dahil nakita namin na nagkakaroon ng hawaan sa loob ng bahay at sa komunidad. So uunahin naming ang testing sa kanilang komunidad at household, kapitbahay para makita natin kung may hawaang nangyari doon. Kapag sinabi nating mass testing, available ito sa lahat. Pero hindi natin gagawin sa lahat ng tao dahil may iba naman na malalayo naman na barangay. Obviously, hindi naman sila mahahawaan.

Q: So dun tayo sa vulnerable sector?

SEN WIN: Correct. Doon tayo sa mga taong potentially ay nahawaan. Ito yung term na ginagamit nila, "PUM" or "PUI".

Q: Depende na sa DOH na magsasabi kung alin ang vulnerable sector na dapat unahin dahil base rin yun sa limitasyon natin ng resources. Di ho ba Senator?

SEN WIN: Correct, at dapat may sistema tayo sa pagte-testing. For example, gusto ko lang ihambing sa nangyari dito sa aming lungsod. Meron kaming na-detect na isa na COVID-19 patient kahapon. Ang balak namin i-test ang kanilang kasambahay, ang kamag-anak niya sa loob ng bahay like parents, kapatid at gusto rin naming i-test ang kanilang mga kapitbahay dahil malamang nagkahalubilo ito dahil maliit lang ang kanilang lugar. So ang importante rito ay ma-test sila upang malaman natin kung positive o negative. Kapag negative, well and good at least hindi nagkaroon ng hawaan. Kapag positive, balak naming dalhin sa isang centralized facility ho namin para ma-isolate na siya kaagad at hindi makahawa pa sa iba. Ang nangyari kasi, napansin naming, kung hindi mo ma-test, hindi rin nya alam kung positive or negative sya eh.

Q: Kaya nga po so ikot sya ng ikot.

SEN WIN: Correct, kung lumabas lang siya, halimbawa, bumili ng pagkain o gamot, hindi niya alam na nakakahawa na siya. At dahil nga dumadami rin ang mga PUIs, dito sa Valenzuela, meron na kaming almost 71, hindi rin kaya ng gobyerno na bantayan isa-isa physically. So importante na ma-test natin ang 71 na yun para malaman natin talaga kung sino ang positive o negative.

Q: Oo para mapauwi mo na, edi less na sa stress sa iyong resources yun.

SEN WIN: Correct, yun ang right words. Nasi-stretch yung aming resources ngayon dahil hindi namin alam kung sino ang may sakit o wala. So ang testing napakahalaga sa dalawang bagay. Una, para malaman natin kung sino ang may sakit o wala at pwede nating i-isolate ang may sakit. Pangalawa, yung resources ng gobyerno hindi na-stretch. Kasi kung ang assumption natin, lahat ng PUIs, all 71 ay may sakit, talagang kukulangin tayo ng doctors, nurses at sasakyan so importante ngayon ang targeted na tinatawag.

Q: Pero Sir, ang problema kasi ganito. Tama yung nasa local natin sa strategy na ganito kasi kayo ang nasa ground. Pero ang tanong, yung capacity po. Halimbawa, sa testing. Parang ngayon, centralized sa DOH eh. Pero ang health services natin, decentralized di ho ba?

SEN WIN: Tama ka doon. Magandang obserbasyon yan. Na-realize namin dito na--sa ngayon ha, may isang testing center lang sa Pilipinas, yun ang RITM. Kaya kahit gusto naming mag-test ngayon but--?

Q: Naputol si Senator Gatchalian, ang ganda ng punto. Maganda yan eh, kailangan talaga lahat ng magagandang serbisyo. Kaya po dini-devolve yan sa ilalim ho ng local government code dahil kinikilala po ng national government ang kapangyarihan at kakayahan ng lokal para pangasiwaan ang pangunahing serbsiyo ng kanyang nasasakupan.

SEN WIN: Sa ngayon, merong isang testing center lang ang Pilipinas. Ang RITM. Kahit gusto naming i-test ang aming mga kababayan dito, mag-aantay pa kami ng 8 days para makuha ang resulta dahil nakita ko na ang average time para makuha ang resulta ay 8 days dahil nga pila-pila ang mga nagpapatest. Ngayon, ang importante ho ngayon ay centralized ang processing facility at testing kaya for the last seven days, yan ang ginagawa namin dito sa Valenzuela. In fact, by next week, makakakuha na kami ng test kits. Ang problema naman, saan namin dadalhin ang test kits para i-process?

Q: Ang good news, kanina bago kita tawagan, may mga nabanggit po ako na ilang mga ospital at facilities na pwede nang mag-lab ng lahat ng mga nakukuhang sample. So kahit papaano, may kakayahan na. Yun nga lang kapag nag-massive tayo, may imbudo pa rin.

SEN WIN: Actually ang pinakamahalaga dito, lahat ng ospital na merong laboratoryo qualified sila maging center, dapat nga lang lang i-accredit na kaagad ng RITM and DOH. Ang importante ngayon Weng dapat mabilisan na eh. Medyo na frustrate lang ako last week dahil noong kino-contact ko tong mga ospital at mga laboratory, hindi pa sila na-aacredit ng DOH. Ang importante ngayon mabilisan eh, mabilis yung pagkalat ng virus kesa sa galaw natin eh, importante mas mabilis tayo doon sa virus.

Q: Isang atsing lang tapos na tayo eh--

SEN WIN: Correct. So magandang balita na may mga laboratories na ia-accredit na pero sana this coming week, ma-accredit na lahat dahil mabagal ang pagkaka-accredit natin. For the last seven days, sa lahat ng mga tinawagan kong ospital, in the process pa lang sila of getting accredited, hindi pa sila accredited, kaya ngayong araw na ito as we speak, isa pa lang.

Q: Hindi pa naman too late the hero, Senator? Pwede pa naman ihabol, madali naman maglatag ng sistema ang DOH eh?

SEN WIN: Correct, kaya ang aking panawagan sana this week ma-accredit na itong mga ospital na ito para kami katulad namin sa Valenzuela pwede na kami mag localize na mag-test at ipro-process namin doon sa mga accredited hospitals. Hindi na naman dapat dalhin sa RITM at ipipila ho doon. Kung malaman namin ang resulta within 24 hours, maa-isolate na namin yung may sakit na yun at hindi na siya makakahawa. Dahil Ang kalaban natin dito Weng, yung paghawa eh at yun ang gusto at a local level, gusto namin mapigilan yung paghawa ng sakit.

Q: Sir doon sa nabanggit ko kanina, merong labingwalo ng mga test kits na aprubado ng FDA para po ma-import natin at ma-ibenta locally. Dapat ba allowed ang local government units na makabili nito at magamit sa inyong lokalidad?

SEN WIN: Magandang tanong yan, actually walo hindi labingwalo--

Q: Nakalagay dito sa listahan labingwalo na--

SEN WIN: Walong brand ang kanilang in-accredit. Magandang tanong yan dahil tinext ko nga Si Secretary Duque sabi ko nga kay Sec. dapat maglabas na ng guidelines yung DOH para itong guidelines na ito susundan ng mga local government units at para maging safe yung testing na ginagawa ng mg local government units dahil sa ngayon wala pang guidelines. So for example kami sa Valenzuela, gusto namin gumawa ng localized testing pero hindi namin alam yung procedure buti na lang meron kaming local na epidemiologist kaya siya ang nag ga-guide sa amin, pero hindi lahat ng local government merong ganitong kakayahan.

Q: Parang Sir yung nangyari sa Marikina, nasayang ang effort although pwede pa naman ilagay sa ibang lugar kaya lang kung yun ay agad-agad na napaguspan, na bawal sa building, na bawa sa sixth floor edi sana ngayon nagagamit na ang kanilang laboratoryo?

SEN WIN: Not only that, isipin mo to Weng ah, kung lahat ng local government bibili na ng test kits, alam ba nila kung paano gamitin to? Meron ba silang qualified na tao, alam ba nila yung proseso sa pag-deliver? Baka naman kuha ng ng kuha ng samples pero mali pala yung sample. Kaya importante na maglabas na ang DOH ng guidelines para ang mga local government units ay alam ano yung gagawin nila sa testing kasi ngayon as we speak wala pang guidelines. Yun nga ang tinext ko kay Sec. Duque, sabi ko 'Sec. maglabas na tayo ng guidelines' kasi ang nangyari ho ngayon, ang FDA nag-accredit ng test kits, ibig-sabihin ni-liberalize, ginawa na siyang available kahit kanino pero hindi naman klaro kung paano gamitin at yung proseso hindi klaro so dapat malabas na yung guidelines ng DOH.

Q: Senator, maliban po doon, sa ilalim ng Bayanihan Act may malaking pong pondo na pwedeng i-realign at magamit ng Presidente at pakawalan para sa paglaban natin dito sa COVID-19 pero magagamit naman po na ito sa test kit hindi po ba? Dahil sa ngayon parang nakadepende tayo masyado sa donations?

SEN WIN: Correct. Actually, yung donation, maganda ho yan, madaming nagdo-donate pero ang donations dapat dagdag lang yan sa ating sariling resources dahil importante na hindi napuputol yung resources natin sa mga ospital natin, sa mga local government units natin. Sa Bayanihan Act ang ating pangulo ay nabigyan ng kapangyarihan para kunin yung pondo na hindi ginagamit, yung mga pondong hindi naman na u-utilize ng mga departmento at i-realign kaagad sa paglaban sa COVID-19. So malaking pera yan, ang pinaguuspan natin diyan bilyon. In fact, ang unang estimate is about 75 billion para sa mga medical equipment so importante na magamit na kaagad ng pangulo yan. Ngayon pa lang, dapat makabili na tayo ng mga protective equipment, mga masks at mga iba pa at ma deliver na sa ibang mga ospital dahil nakikita ko marami tayong mga public hospitals na humihingi ng donation. Syempre nakakasira ng morale yan ng ating nurses at doctors na makita na ang kanilang ospital walang mga basic requirements kaya importante na magamit ng ating pangulo ang kanyang kapangyarihan sa Bayanihan Act para makabili kaagad ng protective equipment.

Q: Sir, again, dito sa sitwasyon na ito, ano ba talaga, devolve nga ho yung health services eh pero sa ngayon centralized sa DOH ang lahat ng movements. Ang obserbasyon ng marami, parang, saan ba tayo talaga? Ano ba ang dapat sundin natin sa ngayon?

SEN WIN: Hilaw ang devolution ng health, isa yan sa mga functions na hilaw ang devolution. Sinabi kong hilaw dahil ang mga tertiary hospitals, kagaya dito sa amin, bigyan kita ng halimbawa Weng, kagaya dito sa tertiary hospital ay DOH pero yung aming primary care, ito yung mga health center, yung mga emergency hospitals, devolve yan, yung dito yan sa Valenzuela. Yung ating public health policy, hati yan, may devolve, meron ring national pero pag dating sa ganitong epidemiya, no doubt, national ang merong responsibilidad diyan dahil ganun kalaki. Kaya ang importante ngayon, mabilis ang pag-aksyon dahil ang sabi ko nga kanina, Weng ang pagkalat ng virus mas mabilis sa pagalaw natin eh kaya tayo nauunahan ng virus dahil mabagal yung paggalaw natin. Ito lang yung pagapruba ng mga hospitals, napaka bagal, kung noong una pa man naaprubahan na sila, pagdating ng virus meron na kaming dadalahan ng testing kits.

Q: Masasabi niyo ba na parang two weeks late tayo masyado?

SEN WIN: Hindi lang two weeks, almost two months late tayo dahil kung matatandaan natin noong January, tatlo lang yung kaso natin, noong February wala tayong kaso. Dapat noong walang nangyayaring kaso, inaaprubahan na yung mga testing kits at testing center at bumli na dapat tayo ng PPE's, personal protective equipment para pagdating nung kaso, ready na tayo.

Q: Yun yung time na sinasabi ng DOH na handa tayo?

SEN WIN: Hindi ko nakita yung kahandaan na yun on the ground. Sa totoo lang Weng, araw-araw kami andito on the ground at hindi nakita yung kahandaan na yun. In fact I have to give credit sa ating local government kasi kahit na medyo malawak itong paglaban na ito, nakagawa sila ng sarili nilang mga paraan para malabanan itong virus. Tandaan natin Weng, ang spread ng virus hindi nasa national kung hindi nasa local. Ang spread ng virus ay nasa barangay, nasa komunidad natin at para mapigilan yung spread na yun, ang local government at barangay ang lumalaban sa pagpigil doon sa spread na yun. Kaya importante sa local pa lang pigilin na natin yung pagkalat dahil kung hindi natin mapigilan yung pagkalat sigurado ako yung ating mga ospital ay mapupuno at mapupuno yan.

Q: Alright, good luck sa ating lahat, manatili po tayong ligtas lalo na ho kayo na nagsisilbi sa local diyan po sa inyong lungsod. Maraming Salamat po.

SEN WIN: Maraming salamat Weng, thank you very much.

News Latest News Feed