Press Release
April 13, 2020

Govt should be buying directly from farmers post-COVID: Pangilinan

"Binabati natin ang Government Procurement Policy Board (GPPB) sa pag-apruba ng Emergency Procurement sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Act, lalo na Section 6 tungkol sa direktang pagbili mula sa mga magsasaka.

Noong nakaraang mga linggo, nabalita kung paano nasasayang ang mga gulay at iba pang mga pananim dahil sa kawalan ng mamimili. Hirap ding ibyahe ang ani ng mga magsasaka papunta sa mga pamilihan dahil sa mga checkpoint dulot ng Enhanced Community Quarantine.

Sa pakikipag-ugnayan ng ating opisina at ng iba pang stakeholder, maagap na umaksyon ang Department of Agriculture upang tugunan ang problema sa logistics. Mas pinadali ang proseso ng pagbyahe ng mga agricultural goods. Tumulong din tayong hanapan ng mga bibili sa produkto ng ating mga magsasaka, lalo na sa mga LGU na maaring isama ang mga gulay sa kanilang pinapamahaging relief goods. Sa ngayon, nakapaghatid ng 8.6 toneladang sari-saring gulay ang PBSP (Philippine Business for Social Progress) sa mga mamamayan ng Makati sa tulong ng AGREA.

Bagama't batas na ang Sagip Saka simula pa noong nakaraang taon at dahil dito ay maaari nang bumili direkta ang mga LGU at tanggapan ng pamahalaan sa mga magsasaka at kooperatiba, mas magpapabilis pa ang prosesong ito sa pag-apruba ng Emergency Procurement sa ilalim ng Bayanihan Act.

Para po sa ating mga magsasaka, samahan ng mga magsasaka, o mga kooperatiba, siguruhin na meron tayo ng anuan mga sumusunod bago mabayaran ng sinumang bibili:

1. Certification mula sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA);

2. ID mula sa RSBSA; o kaya ay

3. Certification mula sa barangay na ikaw nga ay isang magsasaka.

Sundin lamang ang pamantayan ng GPPB ukol sa Emergency Procurement. Dahil dito, hindi mawawalan ng kita ang ating mga magsasaka, at mayroong mas mabilis at mas malapit na pagkukunan ng pagkain ang mga LGUs.

Bumili ng direkta. Suportahan ang mga magsasaka."

News Latest News Feed