Press Release
April 15, 2020

DZRH interview ni Senator Win kasama si Deo Macalma ukol sa D COVID-19: localized mass testing at School Year 2020-2021

Q: Senator Gatchalian, magandang umaga po.

SEN WIN: Good morning po sa ating mga listeners.

Q: Kayo po ba Senator ay naging PUM o PUI?

SEN WIN: PUI kasi meron akong direct contact sa isang COVID-19 patient pero hindi naman ganun kalapitan pero under the definition, kung kayo ay nasa kwarto at meron kayong interaction, kasama ka na sa PUI list. Matagal na ho yun kaya mababa na po ang potensyal na ako'y magkakasakit.

Q: Lampas na ho yung 14 days quarantine?

SEN WIN: Yes, lampas na po.

Q: Wala naman po kayong naramdaman ng panahon ng 14 days quarantine?

SEN WIN: Wala naman, very clear tayo at wala akong nadanas na kahit anong karamdaman. In fact, tuloy-tuloy ang pag-exercise ko during that time para lalong lumakas ang resistensya kaya sa ating mga kababayan na naka-quarantine dahil nakalockdown ang ating bansa, wag kalimutang mag-exercise dahil importante po ito sa ating pangangatawan. Hindi naman po pwedeng kain-tulog, kain-tulog lang sa bahay dahil lalo kang magkakasakit. Kung hindi ka man magka-COVID, possibleng magkasakit ka sa puso kaya mag-ehersisyo po.

School year 2020-2021

Q: Anyway Senator, bilang Chairman po ng Senate Committee on Education, balita po namin ay nakipag-usap po kayo sa DepEd, ano na po ang napagkasunduan dahil mukhang hindi na maiiwasan na maipagpaliban ang opening ng klase?

SEN WIN: Nag-umpisa na po ang consultative meeting ng DepEd at nagtipon -tipon ang mga stakeholders at lahat po ng may kinalaman sa ating edukasyon at ito ay pinangunahan ng DepEd para makuha ang opinion at suhestyon ng iba't-ibang sektor. Masyado pang maaga para magdesisyon kung ipagpapaliban natin ang pagbubukas ng klase sa June o sa mas huling buwan. Napakahalagang obserbahan ang sitwasyon this week at next week, importanteng tingnan ang data. Hindi lang pwedeng observation lang, tingnan din natin kung ano ang mga lumalabas sa data para malaman natin kung anong aksyon ang dapat nating gawin. Pero nag-umpisa na ho ang prosesong ito at sumang-ayon kaming lahat na magkaroon ng meeting every two weeks para mapag-usapan ang pagbubukas ng klase.

Q: Pero delikado pa po ba kung ipipilit natin ang June opening sa mga public schools?

SEN WIN: Merong panganib dahil kapag nagbukas tayo ng klase, hindi natin maiiwasan ang pagkukumpol kumpol ng mga magulang. Nakikita natin yan tuwing umaga at dismissal kaya ito ay pwedeng maging sanhi ng transmission ng virus. Kaya pag-uusapang mabuti kung ipo-postpone po ang pagbubukas ng klase o itutuloy po sa June. Gayunpaman, kahit tayo ay magbubukas, marami pong pagbabago ang gagawin ng DepEd. Ito po ang aming hinihikayat. Dahil kahit po magbukas tayo sa mga huling buwan, hindi natin maaalis ang pagpa-practice po ng social distancing, hindi natin pwedeng payagan ang malalaking pagtitipon kagaya ng events at activities. Marami tayong pagbabagong gagawin dahil ang vaccine ay lalabas after 18 months pa kaya sa gitna ng paghihintay, hindi tayo pwedeng gumawa ng mga aktibidad na pwedeng maging sanhi ng transmission ng virus.

Q: So paano ang gagawin dito Senator dahil alam naman natin na sa mga public schools, minsan umaabot ng 40-50 students sa isang classroom?

SEN WIN: Tama ka dyan. Yan nga ang isang concern namin dahil may mga lugar na talagang siksikan at kung gagamitin natin ang social distancing, parang imposible sa isang siksikang klase. Yan ang mga bagay na pag-aaralan ho natin, nag-umpisa na at may tinatawag na Learning Continuity Plan ang DepEd ibig sabihin, kahit anong mangyari ay itutuloy natin ang pagtuturo sa mga bata. Kaya marami tayong adjustments at pagbabagong gagawin para kahit pumapasok ang bata at tinuturuan, hindi kumakalat ang virus.

Q: Bilang magulang, gusto nating makunan ng litrato at umakyat ng entablado. Ang sabi ni DepEd Secretary Briones ay hindi daw kakanselahin ang mga graduation rites pero ipagpapaliban. Kelan kaya gagawin itong graduation rites Senator?

SEN WIN: Oo nga eh. Ang kagandahan ho dito ay hindi kinansela ang graduation rites. Tinitingnan ho natin ang sitwasyon at dapat ho ay humingi tayo ng kaunting dispensa at pag-uunawa sa ating mga magulang dahil maraming tao ang dumadalo sa isang graduation rites at nanggagaling pa sa iba't-ibang lugar. Kaya malaki ang posibilidad na pwedeng maging sanhi ito transmission ng virus. Kaya hindi natin masasbi ngayon Deo dahil ang sitwasyon nagbabago pero ang kagandahan naman dito, hindi naman kinansela. So pwede pa ring magkaroon ng graduation rites dahil alam ko mahalaga yan sa ating mga magulang.

Q: Senator, sa ibang issue po, alam namin na kayo po ay miyembro ng pamilya ng mga negosyante. Itong si business tycoon na si Tessy Sy-Coson ng SM aba'y meron siyang suggestion na magkaroon ng re-opening business at back to work kahit na 50 percent ng mga empleyado para magbukas ang negosyo at magkaroon ng trabaho ang mga empleyado after April 30. Ano ang reaksyon niyo diyan Senator Win?

SEN WIN: 'Yang mungkahi na yan masasagot lang kung epektibo po yung ginagawa nating community quarantine. Dapat tignan natin mabuti yung datos na lumalabas, yung statistika na lumalabas para makita natin kung epektibo ba o hindi dahil kahit gusto na ng mga negosyante magbukas ng kanilang mga shopping mall pero kung kumakalat pa rin ho yung virus, eh delikado to para sa lahat at para sa kanila na rin. Kaya ang importante dito, dapat tignan muna natin yung statistika at yung datos na lumalabas. At kanina lang Deo, bago ka tumawag, binabasa ko at inaaral ko yung mga research ng University of the Philippines, maganda ang kinalabasan ng kanilang preliminary findings. Ayon sa kanilang pananaliksik, itong enhanced community quarantine ay epektibo, yung flattening the curve, ito yung pagbaba ng transmission sa ating bansa ay bumabagal. Meron pa rin tayong mga kaso araw-araw, totoo yan, pero mabagal na at hindi na ganun kalala ang pagkalat nitong virus na ito. Ibig sabihin, sa loob ng 30 days, naging epektibo ang community quarantine dahil bumagal yung transmission ng virus. Pero ang tanong, ano ang mangyayari sa loob ng susunod na tatlong linggo? Tingin ko naman by the end of April bubuti na po ang magiging sitwasyon natin dahil patuloy na bumabagal ang transmission ng virus. Kaya doon lang natin malalaman kung mapapayagan na natin ang mga negosyo magbukas. Siguro by next week makikita na natin kung malinaw na yung sitwasyon.

Q: Sir isa pa, kayo pa sa Valenzuela merong tinatawag na Covid testing. Ano ba ang ginagawa niyo sa Valenzuela Senator Gatchalian, sila Mayor Rex, ayan na pinapayagan ng DOH pero si Mayor Marcelino Teodoro ng Marikina ay hindi pa rin pinapayagan ng DOH? Ano ba ang pagkakaiba ng ginagawa niyo sa Valenzuela at sa Marikina na gagawin sana ni Mayor Teodoro?

SEN WIN: Napakagandang tanong yan Deo, dahil sa kasagsagan po ng enhanced community quarantine ay pinagaralan namin, ano ba ang pinakamabuti para sa ating mamayanan dito sa lungsod ng Valenzuela? At nakita ho namin hindi sapat yung ECQ o yung enhanced community quarantine. Importante din malaman natin sino-sino yung mga may sakit at ang mga PUIs dahil ang delikado dito, may mga asymptomatic PUIs na nakakagala pa rin pero linggid sa kanilang kaalaman, carriers na pala sila ng virus, kaya kinailangan na natin i-quarantine yung buong lungsod. Isa sa mga tinrabaho namin ni Mayor Rex ay magkaroon ng mass testing para lahat po ng mga PUIs, PUMs pati po yung mga doktor natin at nurses, mga frontliners po ay mate-test natin. Ngayon pinagaralan din namin, ano ba yung pinakamabilis para magawa ito. nadiskubre namin na ang paggawa ng laboratoryo ay napakamaselan at komplikado ang proseso para itayo. Kaya nakipag-partner na lang kami sa mga existing na ospital tulad ng Medical City, dahil magaling na ospital ito, para doon na namin dalhin yung aming mga test kits. Kaya ang sistema ho dito, kukuha ho kami, ang lokal na pamahalaan, kami po ang bumili ng test kits, kami po ang gagawa ng testing pero dadalhin namin sa Medical City para i-process yun sa kanilang laboratory para makita kung positive or negative. Mamaya po Deo magkakaroon po ng presscon si Mayor Rex para maipakita po sa media yung resulta noong tinatawag nating localized mass testing at pano natin gagamitin yung resulta na ito para po sa ikabubuti ng aming lungsod.

Q: Mukhang ito ang kulang ni Mayor Marcelino Teodoro ng Marikina base doon sa inspection ng DOH noong isang araw, mukhang hindi pa maayos yung testing centers nila at walang ka tie-up na ospital na merong lisensya para gumawa ng testing Senator?

SEN WIN: Magaling si Mayor Marcy Teodoro, nakasama ko siya noong Congressman pa kami. Magaling si Mayor Marcy, isa yan sa pinakamasipag at matalinong Mayor. In fact, itong localized testing, maaga pa lang naisip na niya ito. Natandaan ko February pa lang inaayos na niya yung kanilang laboratoryo. Meron na siyang partnership with UP, ito yung localized na testing kit. Kaya bago pa pumasok itong enhanced community quarantine, napagisipan na po to ni Mayor Marcy, ganun po siya kagaling. Kaso lang itong laboratory napakasensitibo at maselan at talagang napakahigpit po ng DOH sa pagbibigay ng accreditation. Sa totoo lang po inisip rin po naming magtayo ng sariling laboratoryo sa Valenzuela pero noong pinagaralan namin, baka matatagalan yung pagkuha ng accreditation kaya nag-partner na lang po kami with Medical City.

Q: Siguro ito na dapat ang gawin ni Mayor Teodoro Senator para maaprubahan na po ng DOH at hindi na kwekwestyunin. Ready sila pero ang partner na ospital na bihasa sa laboratory test, ito ata ang kanilang kulang. Senator Gatchalian maraming salamat po at magandang umaga, ingat po kayo.

SEN WIN: Thank you Deo. Maraming salamat po.

News Latest News Feed