Press Release
April 25, 2020

DWIZ interview ni Senator Win Gatchalian kasama si Cely Bueno

[start recording]

Q: Magandang hapon Senator Sherwin Gatchalian.

SEN WIN: Magandang hapon sa ating mga tagapakinig.

Duque resignation

Q: So isa yan sa mga nakikita niyo na medyo anging mabagal ang DOH headed by Secretary Duque kaya isa kayo sa pumirma sa resolution na nananawagang mag-resign siya. Nakakita na po ba kayo ng improvement sa performance ni Secretary Duque?

SEN WIN: Talagang naging malaking pagkukulang ang testing capability natin. Noong tayo ay nagdeklara ng lockdown noong March 22, RITM pa lang ang pwedeng puntahan at walang testing kits na naaprubahan ng FDA, isa lang. After one week, dumami ang mga testing kits na naaprubahan ng FDA at nag-umpisa na ang pagbubuo ng mga laboratories pero hanggang ngayon, makikita ho natin na 3,000 pa lang at malayo pa sa 21,000 na gusto nating kapasidad. Kahit basahin mo sa internet, dapat may testing capability para labanan ang COVID dahil hindi mo nakikita ang virus. Pero kung may testing ka, maka-quarantine mo ang tao. Yun din ang ginagawa namin sa Valenzuela. Hindi ako doctor o epidemiologist pero ang aking approach ay from a governance standpoint kung paano ba ang gagawin ng mga lokal na pamahalaan para matigil nila ang pagkalat ng virus.

Q: Hindi pa naman ho huli ang lahat?

SEN WIN: Tandaan natin na ang kabagalan ang katumbas nito ay lockdown na masakit para sa kababayan natin so ang gusto natin, kung magla-lockdown lang, maiksi lang. Magagawa lang nating paiksiin ang lockdown kung dadagdagan natin yung ating testing capability. Marami ring dalubhasa ang nagsasabi na i-extend natin ang lockdown dahil wala tayong testing capability. So just imagine kung meron na tayong testing capability? So kung mabilis tayong nag-settle ng mga laboratoryo, hindi tayo aabot ng mahabang lockdown dahil ang lockdown masakit eh. Hindi lang mahirap ang nasasaktan pati middle class na rin.

Martial law

Q: Walang sinasanto ano, anuman ang iyong antas sa buhay eh apektado. Sana'y wag madagdagan ng deklarasyon ng martial law ano? Itong mga NPA ano dahil baka mapilitan ang Presidente na magdeklara ng martial law eh mas mahirap kapag dumating tayo sa sitwasyon na yun ano?

SEN WIN: Talagang very frustrated and ating Pangulo at galit kaya nasabi niya. Sino naman ang hindi magagalit? Busy tayo sa pagtulong para may makain ang ating mga kababayan. Busy tayong magdala ng gamot para labanan ang virus tapos ang NPA naman ay inaambush at pinapatay ang ating mga sundalo. Kahit sino ay magagalit talaga. Hindi panahon ngayon para magpatayan kundi magtulungan kahit iba ang kanilang paniniwala pero pare-pareho naman tayong Pilipino na dapat labanan ang virus na ito. Kahit komunista ka o naniniwala ka sa demokrasya, kapag kinapitan ka ng virus, pwede ka pa rin mamatay. Kaya ang importante talaga ay magtulungan ngayon.

Center for infectious disease

Q: Meron na po ba kayong naiisip na isusulong na panukalang batas o resolusyon na sa tingin nyo ay dapat gawin para sa stimulus program?

SEN WIN: Isa sa mga gusto nating isulong na batas ay ang pagkakaroon natin ng center for infectious disease. Wala tayong isang institusyon na nagmomonitor ng ganitong epidemya o ganitong sakit at wala tayong institusyon na sinisigurado na lagi tayong handa sa ganitong sakit. Sa totoo lang, ito ang unang pagkakataon na nakita kong ganito kalawak ang pagkalat ng isang sakit. Kailangan na natin ng isang institusyon para siguraduhin ang pag-aaraal kung ano ang gagawin at para siguraduhing na laging handa ang ating mga kababayan. Maraming mga progresibong bansa ang meron nito pero tayo wala.

Stimulus package

Q: Sinasabi ng Pangulo na bagama't may pondo, ay nasasaid na daw. ang nasa ilalim ng Bayanihan Act pwedeng humingi ang Pangulo ng additional budget para sa ginagawang pagtugon sa COVID. So ang Kongreso po ba anytime kung sakaling hingin ng Presidente ay handa kayong mag-approve ulit ng supplemental budget?

SEN WIN: Ang next topic natin ay ang stimulus program dahil ang Bayanihan Act ay para mahinto ang pagkalat ng virus pero ang susunod ay kung ano ba ang kailangan natin para tumakbo ulit ang ekonomiya natin dahil ini-expect ko na maraming Negosyo ang malulugi. Sa turismo lang alone at mga establisimyento ay baka hindi pa magbukas dahil walang turista. Pagdating sa small and medium enterprises, may mga kaibigan akong franchisee ng mga pagkain, kapag hindi pa pinayagang magbukas ang mall at ibang establishments, marami tayong maliliit na negosyante na malulugi. Kaya importante na ang susunod nating paksa ay ang stimulus program para po matulungan ang mga maliliit na negosyante at Negosyo dahil kung walang Negosyo, walang trabaho. Kung walang trabaho, mas magiging malalim ho ang problema natin.

Q: Sa tingin nyo, kapag nag-resume na ang session, ang focus ho dapat ng Congress ay kung paano makakatulong sa pagpapasigla na ulit ng ating ekonomiya dahil ito ang mas malaking hamon after ng ECQ?

SEN WIN: Correct. Talagang proseso yan. Una ay ang paghinto sa virus, pangalawa ay ang pag-restart ng economy.

Q: Meron ba kayong idea kung magkano ang dapat na stimulus budget kasi parang 1.4 trillion yata ang sa house?

SEN WIN: Nakikita ko mga around one trillion to about 1.2 trillion ang kakailanganin natin. Sa mga calculations namin, umaabot about to 800 billion ang nawala sa ating ekonomiya at aabot pa ito ng mga around 900-950 billion by the end of May 15. So to jumpstart, hindi lang dapat takpan ang nawala kundi kailangan din natin ng pagdagdag ng puhunan. Nakikita ko in between maybe 1-1.2 trillion or even more. Depende kung ano ang makikita natin sa dulo dahil ang sitwasyon ay mabilis na nagbabago. Sa ngayon yan ang rough estimate ko.

Tax reform program

Q: Si Secretary Karl Chua ang sabi nya dapat daw isulong pa din ng government ang tax reform program. Alam ko nasa plenary na ang CITIRA pero ito ba ay tamang timing na isulong ito dahil maraming mga negosyo ang naapektuhan?

SEN WIN: Yung CITIRA ay papababain ang corporate income tax natin sa binabayaran nating ngayong 30% gagawing 20% at mas mababa pa in the future. Maganda ito para sa mga maliliit na negosyo, timely ho yan para magamit ng negosyo ang savings sa corporate income tax at palaguin ang kanilang negosyo. Maganda yan, ang importante lang ay mabantayan ang pagtanggal ng incentives at siguraduhin na walang trabahong mawawala. Yun ang babalansehin natin, pababain ang pagsingil sa corporate income tax pero siguraduhin ring walang trabahong mawawala dahil ang kapalit niyan ay pagtanggal ng insentibo. Sa tingin ko, nakita kong nababalanse naman yan kaya pwede nang isulong yan at siguraduhin naming mga Senador na balanse yan. Ang ayaw natin sa ganitong panahon ay mawalan ng trabaho ang ating mga kababayan at gusto nating mag-enjoy sila sa mababang corporate income tax so babalansehin natin ang mawawala. Hindi rin pwedeng walang buwis na babayaran dahil walang panggastos ang gobyerno. So ang importante lang ay mapababa at mabigyan sila ng kaunting palugit pero hindi pwedeng zero dahil kung zero ho yan, wala nang panggastos ang ating pamahalaan.

Ekonomiya

Q: Until May 15 pa po ang lockdown, kaya pa po ba ng ekonomiya at after May 15, in the absence of vaccine, what do we expect?

SEN WIN: Tingin ko hanggang May 15 kaya pa ng ating gobyerno at kaya ng ating ekonomiya. Importante ang gobyerno dahil ang gobyerno ang gumagastos para hindi lumubog ang ating ekonomiya. Kung titingnan natin ang Central Bank reserves natin, meron pa naman. Ang problema lang ay ang pera sa kamay ng tao ang nawawala. Very crucial ang May 15, importante na from now to May 15, gagawin lahat ng ating pamahalaan na magkaroon ng testing sa buong bansa especially per region. Sisiguraduhin din natin ang implementation ng ECQ ay na-implement dahil ayaw natin ang ningas kugon. Alam ko yan ang nangyayari sa ibang lugar. Dapat tuloy pa rin ang higpit para hindi kumalat ang virus sa ating komunidad. Pagdating ng May 15 at meron pa tayong problema, malaking issue na yan kaya para sa akin wag na nating paabutin pa sa ganun. Dapat ngayon pa lang ay ginagawa na natin ang lahat ng makakaya natin para tuluyang bumaba ang pagkalat ng virus.

New normal

Q: Sa tingin niyo Sir kung ma-lift na itong ECQ, hindi na ho tayo makakabalik sa dati nating normal na sitwasyon?

SEN WIN: Hindi muna pwede hanggang makahanap tayo ng vaccine. Kaya sa May 15, tuloy pa din ang pagsusuot ng mask, tuloy pa rin ang social distancing, at pagbabawal lumabas ng bahay lalo na sa gabi. Dapat may curfew pa rin tayo para wag payagan ang mga nag-iinuman at pumunta sa ibang lugar. Maraming magbabago talaga habang wala pa tayong vaccine.

Pagbubukas ng klase

Q: Mukhang ang IATF ay nirerekomendang September na magbukas ang klase, ano ho sa tingin niyo?

SEN WIN: Pagdating sa basic education, meron tayong batas. Ito yung RA 7977 na nagtatakda na ang pasukan ay first Monday of June hanggang the last day of August. So yun lang ang pwedeng magkaroon ng pwedeng school opening. Kung hindi tayo magbubukas ng June, ang pinakalast ay last day of August. Yung September, under the law ay hindi pwede yan sa basic education at least sa basic education ah, elementary at High School. Sa college walang problema. Ngayon ang dalawang bagay kung talagang gagawing Setyembre dapat ho amyendahan ang batas pero nakikita ko na dahil na-extend itong lockdown to May 15, talagang hindi na kaya ng June so nakikita diyan ang pinaka-angkop klase ay August na dahil in June tanggalin mo na yan dahil, assuming May tayo magbubukas, talagang wala nang oras para mag-handa sa June. At tingin ko at that time medyo delikado pa lumabas ang ating mga magulang at bata. So bigyan natin ito ng at least May 15, at least two months para ma-stabilize at maging mas maayos ang sitwasyon so ang tinitignan natin diyan ay August na more or less. So under the law August, pwede pa rin.

TV and Radio learning

Q: Minsan 40 ang nasa classroom paano kaya ma-addresss to sir? Na observe pa rin ang social distancing ng estudyante?

SEN WIN: Iniisip ko nga diyan sa mga masisikip na lugar, gawin nilang three times a week ang pasok pero merong home schooling. For example kung ang klase mo ay may 50 students per class eh para maging 25 yan hahatiin mo yung klase mo. Isang Monday to Wednesday, isang Thursday to Saturday pero may home schooling ka. Ang importante naman yung online, pwedeng gamitin yung online natin Cely, kaso hindi lahat ng bata may access sa online. Kaya isa sa mga mungkahi natin ay ibalik TV learning and radio learning, yung traditional media dahil almost 100% ng bata may TV at radyo lalo na sa probinsya. Kaya pwede tayo mag develop ng curriculum na gagamitin ang TV. Under the law, 15% ng airtime ng TV at radyo dapat ibigay sa gobyerno at sa pagtuturo. Hindi lang nagagamit yan dahil lahat ngayon pumapasok naman pero dahil sa sitwasyon natin ngayon, pwede nang gamitin yung 15% airtime sa pagtuturo pero gagawa tayo ng curriculum. For example sa loob ng isang araw may isang oras grade one sa pagtuturo, sa hapon naman grade 6 naman yung ituturo para magamit naman ang TV at radio sa pagtuturo.

Q: Sir kailangan lang ito gawin ng DepEd? Hindi na kailangan ng legislation? Su-suggest niyo na lang ito sa DepEd?

SEN WIN: Correct. Ang DepEd naman ay talagang nakikinig sila at humihingi ng suhestiyon at ito ay isang bagay na bago sa marami. Kaya ang DepEd ay humihingi ng mga suhestiyon kung ano pa ang pwedeng gawin. On Monday nga meron kaming teleconference with DepEd para pagusapan ito at natutuwa po ako sa DepEd dahil sila mismo ang humihingi ng mga suhestiyon para masiguro maganda pa rin ang ating sistema sa pagtuturo.

Sa kasalukuyan, ang mga magulang ko nga ang nagtuturo sa mga pamangkin ko ngayon dahil magkakadikit naman yung edad. Yung Lola nila yung nagtuturo sa kanila, yung basic lang naman no hindi naman complicated para tuloy-tuloy pa rin yung pag-aaral ng bata hindi napuputol at tuloy-tuloy pa rin silang natuto. In addition, ang educational TV ay pwedeng ibalik nationwide, sigurado ako mas madali yan kaysa sa internet dahil di lahat ng tao may internet.

Q: Suggestion niyo napaabot niyo na ba yan sa DepEd?

SEN WIN: Sa Monday, may position paper ho kami diyan para magamit ng DepEd.

Suplay ng kuryente at instalment sa pagbayad ng bill

Q: Sapat ba suplay ng kuryente? Hindi mapuputulan ng kuryente kahit nagkapatong-patong yung kanilang electric bill dahil sa ECQ?

SEN WIN: Well Cely, number one, 101% hindi tayo mapuputulan ng kuryente this summer season. Ito siguro yung unang summer na hindi tayo kakabahan kung may kuryente tayo o wala dahil ang konsumo bumaba. Nakita ko halos 50%, kalahati ang kumukunsumo ng kuryente dahil nga walang factory, walang mall, walang mga establisyemento. Bumaba, ang laki ng binaba, halos kalahati po ang binaba ng konsumo ng kuryente. Kaya sobra-sobra yung suplay ng kuryente natin. Kahapon nagkaroon ako ng high-level meeting between Department of Energy at ERC dahil nga nag-extend hanggang May 15 yung lockdown, mage-extend rin sila ng palugit para sa ating mga consumers. Kausap ko si Chair Devanadera at Secretary Cusi kahapon at maglalabas ho sila ng circular na wag muna singilin yung mga NCR at yung mga kasama sa extension ng lockdown. Magbibigay rin sila ng instalment, apat na gives para bayaran yung kanilang electricity bill. For example tayo dito sa Metro Manila, March 20 all the way to May 15 di ka muna sisingilin ng Meralco at pagpasok ng May 15, apat na gives ang pagbayad mo sa electricity bill mo.

Q: So ano po yun June, July, August, September?

SEN WIN: Oo, ganun, tama.

Presyo ng langis at bilihin

Q: Itong pagpaptuloy na pagbasak ng presyo ng langis, dapat ito nag-reflect na rin sa pagbaba ng presyo ng bilihin, pero ngayon dahil ba sa kaunti ang suplay kaya mataas pa rin po ang presyo ng bilihin?

SEN WIN: Oo, in fact yung presyo ng bilihin ngayon, dahil nga ang suplay ay onti. Meron din kasi tayong price freeze. So ang DTI meron silang monitoring na hindi pwede tumaas ang presyo kaya ang dapat gamitin ay yung suggested retail price pero mayroong onting kita pa rin diyan.

Teleconferencing ng senate session at committee hearings

Q: Sabi ni Senator Sotto na extended ang ECQ pero ang session tuloy pa rin sa May 4 dahil yun ang nasa legislation calendar? Ito ba ay may pangamba or handa na po ba kayo pumunta sa Senado sa May 4?

SEN WIN: Actually nag-survey na ko sa staff sa opisina. Sa loob ng 40, kalahati ay namamasahe, kalahati lang ang may sasakyan doon. So sigurado ako na ganyan rin ang resulta sa senate employees kaya ang aking agam-agam yung mga namamasahe, paano sila papasok? Especially yung mga nangangaling sa malalayo. Kaya sabi nga namin ng ibang kasamahan natin sa Senado, magkaroon na lang tayo ng teleconference na hearing at plenary session. At as much as possible yung mga empleyado natin wag nang papasukin, work from home na lang hanggang committee hearings. So for example lahat ng mga research, lahat ng mga papeles through email at pag mag he-hearing o discussion sa plenaryo, teleconference na lang tayo. Ganun muna until end of May dahil end of May sine die na at mas mahabang bakasyon yun until SONA, until end of June. So ang gusto lang natin kahit na ganito ang sitwasyon, tuloy pa rin ang trabaho ng Senado at aming mungkahi nga ay mag teleconference na lang.

Q: So Sir yung mungkahi na yun, ano nakikita niyo na consensus? Majority po ng mga Senador? Yung leadership ho ng Senate in-approve na yung ganitong suggestion?

SEN WIN: Ito ay pag-uusapan namin pero ang aking nakikitang takbo ay majority ay pabor pero pag-uusapan pa namin. Unang-una, pag-uusapan pa kung legal o hindi. Dapat importante na legal dahil ayaw naman namin mag-teleconference tapos hindi pala legal. Majority naman sa amin, sa tingin ko, sumasang-ayon na ito ang pinakaangkop sa ganitong panahon.

Q: First day ng session mag a-approve po kayo ng resolution na babaguhin na nga ho yung system? Through teleconferencing na?

SEN WIN: Ganun ho ang mangyayari. Pinaguuspan na natin ngayon at kinukuha yung approval ng lahat at tingin ko sa takbo doon sa chat group namin sa viber, mukhang pabor naman halos lahat.

Q: Yung teleconferencing ng session at committee hearings, tatagal na hanggang sine die? Tama ho ba?

SEN WIN: Tama po at ang aking mungkahi lang ay i-open ito dahil ang plenaryo open to sa lahat, dapat open din to sa media at open rin para sa mga gusto makinig dahil yan naman ang diwa ng senado.

Q: So imo-monitor na lang namin kayo sa streaming?

SEN WIN: Correct, hindi na rin kayo papasok diba Cely? I'm sure marami rin sa ating mga kasamahan diyan ay namamasahe at yung mga tinatawag natin na may underlying conditions, yung may mga sakit. Mas maganda sa bahay na lang sila mag monitor at doon na lang magsulat at kung may tanong doon na rin sa chat group o sa teleconference.

Award sa pagdiskubre ng lunas sa COVID-19

Q: Pabor ba kayo na maglalaan pa ng award si Presidente sa mga makakadiskubre ng lunas dito sa COVID-19? Yung una 10 ngayon hanggang 50 million. O mas makakabuti na ilaan na lang yun sa risk and development program para suporta sa nag-aaral ng pwedeng bakuna o gamot dito sa covid-19?

SEN WIN: Sakin naman wala akong nakikita na masama, yun ay para sabihin sa lahat na bilisan sa pagtuklas sa ganitong gamot. Kahit naman hindi siya maglagay ng reward talagang ginagawa na yan ng mga pribadong korporasyon. Sa ganitong sitwasyon, I'm sure yung mga pharmaceutical companies, yung mga medical companies ay ginagawa na ang lahat ng kanilang makakaya para makahanap ng gamot. Pero kung may ganitong palugit eh mas bibilis yun dahil gusto nila makuha yung reward pero komplikado yan, sana meron tayong makita dito sa ating bansa. Nakikita ko sa ganitong mga sitwasyon at komplikadong gamot most of the time sa abroad yan makukuha.

Q: Ngayon pa naman sa online madami naglalabas ng video na meron na ganitong gamot?

SEN WIN: Madami, tama ka Cely dapat maingat tayo dahil madami mga fake news na lumalabas at dapagt maingat po tayo sa ganyan.

Donation ng medical supplies

Q: Ang inyong pamilya may ido-donate na malaking halaga ng PPEs at iba pang mga medical equipment na kailangan ng ating mga frontliners?

SEN WIN: Oo Cely, ang ating pamilya magdo-donate ng PPEs at medical supplies. Ito ay isang paraan namin para makiisa sa mga ospital natin at medical frontliners dahil marami talaga tayong mga pasyente na inaasikaso nila. At ito ay isang suporta, pagpapakita ng suporta at pagpapakita ng concern sa ating mga medical frontliners.

Q: Lahat ng ito ay itu-turnover po sa DOH? Kasi may mga ilang hospital po samin like sa Laguna district hospital halos walang nakakarating, umaasa lang po sila minsan sa mga nagdo-donate, paano po sila magkakaroon ng access sa mga PPE?

SEN WIN: Na-advise kami na ito ay mase-centralize sa Office of the Civil Defense, kay General Galvez at si General Galvez na ho ang in-charge sa pag di-deliver ng PPEs. So pag turnover namin dadalhin sa Camp Aguinaldo, doon yung central warehouse at kung meron request doon na sila mag re-request at ang Camp Aguinaldo na ang mag de-deliver.

SAP

Q: Ano ginawa ng Valenzuela, lalo na yung heavily affected, yung mga nawalan ng trabaho paano kayo nagabot ng tulong? Marami daw sa LGU constituents na hindi nabibigyan yung talagang nangangailangan? Yung mga nabigyan nga ho ng SAP kung sino pa yung may kaya?

SEN WIN: Alam mo Cely, sa amin sa Valenzuela lahat binigyan ng food packs. Nagbigay kami ng two waves ng food packs plus ang mga barangay nagbigay din ng karagdagan. Yung inaabangan ng tao yung Social Amelioration o yung SAP na tinatawag natin pero yung SAP hindi ho mabibigyan lahat. Ang pamilyang mabibigyan ng SAP yung mga pamilyang ang kita ay P10,750 at pababa. So kung ang kita ng pamilya mo is about 10,750 hindi ka qualified dito sa SAP. Ang nagiging issue ho namin, ang mga minimum wage earners at yung mga tinatawag nating no work, no pay, mataas pa ang sweldo sa 10,750. Yun po ang walang tulong na nakukuha sa gobyerno. Kaya ang nakukuha lang nila ngayon ay yung food packs. Talagang yung SAP ay hindi ho mabibigyan yung mga low income, ito yung mga middle and low income at ang mga no work, no pay. Ito yung mga jeepney drivers, na hindi naman sila mahirap pero wala naman silang kita at diyan ho nagkakaroon ng malaking tampo at galit. In fact pag titignan mo yung social media, nakita ko, pag galit tayo hindi na tayo nagra-rally, sa social media na tayo nagrereklamo. Kaya nakikita ko yung mga posts ng mga kababayan natin talagang galit na galit. Pero wala tayong magagawa, ito ay proyekto ng DSWD.

[end recording]

News Latest News Feed