Press Release
April 25, 2020

Agila Pilipinas Weekend interview ni Senator Win Gatchalian kasama si Weng Dela Fuente at Laila Tumanan ukol sa epekto ng COVID-19 sa edukasyon at session sa senado

[start recording]

Q: Magandang umaga po Senator Gatchalian. Kamusta po kayo?

SEN WIN: Good morning. Okay naman po at minomonitor natin ang sitwasyon sa buong bansa pero nakatutok po ako sa nangyayari sa Valenzuela City para malaman natin on the ground kung ano ang nangyayari at nalalaman din natin ang saloobin ng ating mga kababayan. Talagang itong ECQ ay napakahirap sa marami at dahil marami sa ating mga kababayan ay daily wage earner, kahit yung mga nagtatrabaho ho sa korporasyon at kompanya, ang kanilang sahod ay pang-araw araw lamang. Kaya marami sa kanila ang nahihirapan at nauubos na ang kanilang ipon. Pero naiintindihan naman nila na kaya ginagawa ito ay para masigurado na hindi na kumalat ang virus.

Edukasyon

Q: Oo nga po Senator. Pati nga ho ang pag-aaral ng mga bata ay apektado na ho. Ano po ba ang nakikita ninyo na pwedeng gawin?

SEN WIN: Dalawang bagay. Una, pag-usapan natin kung may pasok o wala this coming June dahil meron nang desisyon ang ating Pangulo na ihinto ang ECQ this coming May 15. Hindi na po talaga kayang buksan ang eskwelahan this coming June. Tinitingnan ko rin ang data dahil gusto rin nating makita kung ano po ang mga statistika at ibig sabihin nito. Nakikita ko na ang ating testing capability ay tataas pa lang by July 13. So ibig sabihin, magkakaroon tayo ng kakayahan na i-testing ang mas maraming tao this coming July pa. Kung ganun po, para sa akin, ang pagbubukas ng klase ay hindi po pwedeng this coming June kundi dapat ay i-push back around August. By that time, meron na ho tayong kakayahan sa pag-testing at mas kampante na tayong makita kung sino-sino ang mga may sakit at ano po ang pwedeng gawin ng mga lokal na pamahalaan para hindi magkaroon ng hawaan sa kanilang mga lugar.

Q: Yung mga siksikan po sa isang classroom, yun po ang magiging problema natin.

SEN WIN: Correct. Ito ang pangalawang issue na dapat nating pag-usapan. Yung tinatawag nating new normal. Hindi na ho pwede ang dati nating ginagawa. Isa na ho dito ang tinatawag nating social distancing at nakikita ko diyan na hindi pwedeng payagan ang malalaking pagtitipon, aktibidad kung saan maraming mga bata at magulang ang nagkukumpol-kumpol. Pangalawa, dapat maghigpit na ang pagiimplementa ng social distancing sa loob ng classroom. Dito nagkakaroon ng problema dahil marami sa ating mga eskwelahan lalo na sa syudad ay siksikan. Importante ho na hindi na payagan ang siksikan sa loob ng paaralan para maiwasan ang hawaan. Dito nga sa Valenzuela, as young as two years old, meron kaming mga kaso. So ibig sabihin pwedeng dumapo ito sa mga bata. At yung bata kahit na mas malaki ang tsansa na gagaling sila dahil matibay ang kanilang katawan, pwede naman nila itong maipasa sa kanyang mga lolo at lola na may mahinang resistensya. Dapat makahanap na tayo ng mga bagong paraan. Siguro pwede nating i-limit ang mga klase sa three times a week. For example, yung first batch let's say Monday to Wednesday tapos second batch is Thursday to Saturday. Kapag ganito ang sistema, importante ang partisipasyon ng mga magulang dahil sa dalawang araw na hindi papasok ang mga bata, importante na sila ay aktibo sa paggabay at pagtuturo.

Q: Isa sa mga nakikitang alternatibong paraan ay ang online learning pero kailangan ng access sa internet at computer. Karamihan din po sa kanila ay walang access sa internet at napakabagal pa ng internet natin dito sa bansa.

SEN WIN: Correct. Ang nakikita kong pwedeng gamitin ay TV at radio dahil almost 100% ng population natin may TV at radio. Sa loob ng maraming prangkisa ng mga istasyon, may provision po talaga doon na 15% ng airtime ay dapat ibigay sa pagtuturo. Hindi lang ho ito nagagamit masyado dahil walang pangangailangan pero sa tingin ko, pwede nang gamitin ito. For example, every 10:00 am ay pwedeng i-ere ang aralin pang-elementarya or every 2:00 pm aralin naman para sa high school. Gamitin natin ang airtime dahil halos lahat ng mga mag-aaral ay may TV. Kesa manuod sila ng walang saysay, manuod na lang sila ng pwede nilang magamit sa pag-aaral.

Q: Ito ay kinokonsidera na rin ng DepEd? Yung paggamit ng radio at TV para sa ganitong kalagayan?

SEN WIN: Correct, nakasaad ho yan sa lahat ng prangkisa ng TV at radio na meron pong portion for government use, depende sa prangkisa. On the average mga 15% of the airtime ay pwede ho i-devote ho ng government sa pagtuturo. Pwede natin yang gamitin as part of the curriculum. For example nga sa loob ng isang oras, Grade 3 at doon nila ituturo ang kanilang lesson plan. Lahat ng Grade 3 mandatong manuod. Aayusin lang ho nating mabuti. Importante rin ho kasi sa batas na may visual interaction kahit na TV at least nakikita nila. Mahilig sila manuod.

Q: Tingin niyo po kailangan pang gumawa ng batas patungkol dito?

SEN WIN: Sa tingin ko wala na hong bagong batas para dito sa tinatawag kong television-based curriculum. Pero kailangang i-enforce. It's a curriculum, hindi lang ho siya manunuod kundi talagang magiging part yan ng curriculum. Nakikita ko ho sa Hongkong and China, noong sila ay nagkaroon ng lockdown, talagang ginagamit nila ang internet sa pagtuturo pero iba ang sitwasyon nila at sa atin. Pwede po yang supplemental pero kahit dito sa Valenzuela hindi lahat ng bata ay may access sa internet.

Q: Baka pwede po nating i-tap ang NCCT dito?

SEN WIN: Correct, meron tayong National Commission on Children's Television at this is the perfect time para magamit ang kanilang mandato dahil noong una, sinasabi sa mga hearing namin na laos na yan eh. Wala ng gumagamit. Pero ngayon nabuksan ang mata natin na hindi pala lahat ng bata ay may access sa internet. Ang TV at radio ay magagamit pa rin natin sa pagtuturo especially sa mga nasa ngayon. TV is still the most widely reached medium. Makikita natin ang ganitong mga traditional media ay magagamit pa rin sa pagtuturo.

Teleconferencing ng session at committee hearings

Q: Sa darating po na May ay magsisimula na ang session, paano po ba ang arrangement?

SEN WIN: Marami sa aming mga empleyado, meron kaming about 3,000 employees sa Senado. Marami sa kanila ay namamasahe at kakaunti lang ang may sariling sasakyan. Dahil nga wala tayong public transpo, mahihirapan silang pumasok. Ang aming aktibidad ay kumukonsulta sa tao kaya marami ring tao ang pumupunta sa amin galing sa iba't-ibang parte ng bansa kaya masasabi kong delikado ang aktibidad sa Senado. Kaya nga may tatlong Senador kaagad ang nahawaan eh, marami ring mga empleyado ang nahawaan. Having said that, kaming mga Senador nag usap-usap, hindi naman pwedeng tumigil ang trabaho ng Senado kaya gagamit kami ng teleconferencing para magconduct ng mga hearings at plenary sessions, kung paano po ito gagawing pormal at legal. Importante na legal. Kakaiba ho ito. Hindi pa ho ito nagawa sa kasaysayan ng ating bansa pero pinag-aaralan ho namin kung paano ginagawa sa ibang bansa ito. May gumagawa na ho nito. Kung legal ho ito, gusto naming magkaroon ng teleconference plenary session. Ibig sabihin, gagawin namin ito online at magiging available sa lahat. Ang kagandahan sa online ay pwedeng mag-participate ang public kahit saan. Kung meron kang tanong or comment, pwede mong gawin yun kahit nasa bahay ka lang.

Q: Paano yung security? Anong teknolohiya ang gagamitin natin kasi madaming online meeting apps pero may mga issue pa rin about the security?

SEN WIN: Ang pinaka-popular na nakikita ko ay zoom. Pinag-aaralan ngayon ng IT namin kung magiging maayos ba itong zoom pero ito ang pinakapopular at pinakamadaling gamitin sa lahat.

Q: Ano po ang huling mensahe ninyo Senator?

SEN WIN: Sa ating mga kababayan, tiisin na lang ho natin ito, tatlong linggo na lang ho at matatapos na itong ECQ. Kung tayo po ay mananatili sa ating mga tahanan, mas magiging epektibo ho ang paglaban natin sa COVID at mas mabilis po ang pag-lift nitong lockdown kaya kung tayo po ay mag co-cooperate, mas magiging magaan po sa ating lahat. Kaya importante ang kooperasyon ng lahat at manatili sa loob ng bahay.

[end recording]

News Latest News Feed