Press Release
May 1, 2020

MENSAHE SA ARAW NG PAGGAWA

Marami at matagal na ang mga hamon sa sektor ng paggawa. Mababang sweldo, kulang na benepisyo, di-patas na kasanayan sa paggawa, kawalan ng tiyak na trabaho at oportunidad na umasenso.

Sa krisis na dulot ng COVID-19, lalo nga pong bumigat ang pasanin ng ating mga manggagawa: mula sa mga healthworkers nating nagliligtas at kumakalinga sa may sakit subalit walang sapat na personal na proteksyon mula sa panganib; sa mga tsuper na ipinagbawal ang pamamasada at ngayo'y namamalimos na ang ilan sa kalsada; sa mga construction worker na gumuguho na ang pangarap sa pamilya dahil nawalan ng kita; sa mga janitor at iba pang mga arawan ang sahod na labis nang nangangamba kung saan kukunin ang panggastos sa pagkain at pantustos sa mga mahal sa buhay.

I call on the government to provide clear and concrete plans to help our workers get back on their feet. Don't start with proposals that will not carry through and will just end up giving our workers false hopes.

Pakinggan sana ng gobyerno ang hinaing ng ating mga manggagawa: pawiin ang kanilang pangamba, hindi dagdagan pa. Bigyang lakas, hindi biktimahin ng dahas. Unahing pagbuksan ng oportunidad kaysa dayuhan pa ang maging prayoridad. Walang puwang sa gobyerno ang mga opisyal na nagbabanta pang pagkaitan ng kabuhayan ang nagpapahayag ng kritisismo sa pamahalaan.

Ngayong nasa ilalim pa tayo ng Enhanced Community Quarantine at General Community Quarantine, pabilisin natin ang ayuda at apurahin na ang pagkilos upang makabangon ang ating mga manggagawa mula sa kahirapan at pagdurusa.

Mabuhay at taas-noong pagpupugay sa mga manggagawang Pilipino!

(Sgd.) LEILA M. DE LIMA

PNP Custodial Center, Camp Crame

1 Mayo 2020

News Latest News Feed