Press Release
May 10, 2020

Transcript ng DZRH interview ni Senator Win Gatchalian kasama si Milky Rigonan ukol sa pagbubukas ng klase sa Agosto

[start recording]

Q: Senator Win, magandang umaga.

SEN WIN: Good morning sa ating mga listeners.

Q: nakapagdesisyon na ang DepEd for the August 24 opening of classes pero may bill sa Senate na proposing for a September opening.

SEN WIN: Unang-una, ang ating direksyon at ang ating pangunahing titignan ay ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral, magulang at guro. Itong August 24, matagal pa from now at dahil sa trend na nakikita natin, yung paghupa po ng virus. Mukhang kakayanin naman po na magkaroon ng pasok sa August 24. Ang sitwasyon ay nagbabago ng mabilis eh. Sa ngayon, tingin natin pwede na sa August 24, pero pwede pa ho yang magbago. Yung tinatawag nating pagpasok sa August 24, hindi ibig sabihing physical na papasok ang ating mag estudyante. Pwedeng arrangement diyan ang once or twice a week na pagpasok pero gagamit rin ho ng teknolohiya sa pagtuturo. Pwede hong gumamit ng internet, ng tv at radio. Ang internet hindi lahat ay meron. Only 40% ng ating mga pamilya ang may internet pero ang tv at radio halos lahat ay meron. Ang gagamitin ho natin ay hindi lang physical na pagtuturo kundi gagamit din ng tv at radio para mas maging epektibo ho ang pagtuturo sa ating mga kabataan.

Q: So sinasabi niyo more on online classes ang magiging sistema, sabi mo nga hindi lahat may internet. Paano po yung mga estudyante na nasa malalayong lugar na hindi pa inaabot ng internet?

SEN WIN: Ang aking mungkahi ay gumamit ng mga tradisyunal na teknolohiya at mga radio. Tinignan ko rin ang statistika, halos lahat ng ating pamilya ay merong tv at radio. Kaya itong paggamit ng tv at radio ay mas mainam po rito sa ating bansa. Sa ibang bansa, ganyan din ang ginagawa nila. Tinatawag po nila itong hybrid so papasok ang bata once or twice a week pero sa mga araw na walang pasok, manunuod sila ng tv at radio para sa pagtuturo. Pero dapat ring ayusin ang curriculum dahil ang curriculum ho natin ay hindi ho nakadisenyo sa ganitong hybrid system so babawasan natin ang subjects at gagawa rin ho ng curriculum na pwedeng gamitin ang tv at radio.

Q: Anong adjustment ang gagawin dito Senator Win?

SEN WIN: Unang adjustment ay babawasan ang subject at competencies. Magpopokus ho tayo sa mahahalagang subjects tulad ng Math, Science, English at Reading. Pero titignan din ho ng DepEd kung ano pa ang mga subjects na pwede nating ipasok at hindi magiging problema kung gagamit ng telebisyon at radio.

Q: Yung paggamit ng tv and radio, may nakausap na po ba tayong specific stations o lahat po ng tv and radio stations ay maga-alot ng oras para rito sa pagtuturo sa ating mga kabataan? Or PTV lang at mga government-owned stations?

SEN WIN: Una, meron tayong PTV4 tapos may IBC din tayo na government channels na pwede nating gamitin kaagad dahil ito ay pagmamay-ari ng pamahalaan. Pero doon sa ibang tv and radio, nakasaad sa batas na 15% po ng airtime nila ay dapat ibigay sa pagtuturo. Gagamitin natin itong batas na ito para mag-allocate ng airtime para sa pagtuturo sa mga bata.

Q: Sabagay maraming mga pribadong radio at tv na gustong tumulong sa ganitong sistema di po ba?

SEN WIN: Correct, kakaiba ang sitwasyon ngayon eh. Lahat tayo ay naninibago dito kaya importante ang kooperasyon ng bawat isa para hindi naman ho maiwanan ang ating mga anak. Ang ayaw nating mangyari sa pandemya na ito ay ang mga anak natin ay mapag-iwanan at magkaroon ng inequality. Dun sa mga pribadong paaralan, pwede na ho silang magturo dahil nakita ho namin na karamihan sa mga estudyante sa pribadong paaralan ay may kaya, may access sa internet, may laptop, may computer sa bahay. Pero kagaya ng sinabi natin, hindi lahat ng bata may internet kagaya sa mga probinsya at ayaw nating mapag-iwanan ang mga batang nasa public schools kaya ang aking mungkahi ay gamitin natin ang tv at radio dahil ito ay isa sa pinakamalawak na teknolohiya na nagagamit ng mga pamilya. Hindi tayo papayag na sa panahon ng pandemya na maiwan ang mga kabataan at kanilang kaalaman. Importante na sumasabay tayo at nag-aadjust rin sa pagtuturo.

Q: So more on online sa isang linggo at mag-aallot tayo ng twice a week para personal silang pumunta sa mga eskwelahan?

SEN WIN: Yes. Ang pag-aaral ay hindi rin pwedeng walang interaksyon sa ating mga guro. Alam din natin na importante rin ang social distancing at ako nakita ko many times na talagang nagsisiksikan ang mga magulang natin sa gate sa paghatid-sundo po sa kanilang mga anak at yun ang ayaw nating mangyari. Kaya yung once or twice a week na pagpasok, sana ay maimplementa natin ng maayos itong social distancing para pagdating sa classroom ay hindi na sila magkukumpol kumpol at malayo ang distansya nila sa pagtuturo.

Q: Meron kang mga release na nagsasabing imposibleng online lahat so kailangan nilang pumasok sa eskwela. Usually, 60 plus per class, papaano ngayon ang bilang Senator Win?

SEN WIN: Actually sa mga probinsya, mababa ang students per classroom. Umaabot lang ng mga 40 yung iba 30 pero pagdating sa Metro Manila, nako umaabot ng 60. Kaya ang ating mungkahi para maiwasan ang siksikan sa classroom, gawin munang once or twice a week. 50% ang capacity para yung mga bata hindi siksikan. For example kung 50 yan, 25 na lang ho yung papasok sa eskwelahan para hindi masikip ang buong eskwelahan. Kasalukuyang pinagaaralan ng DepEd, in fact nagkaroon kami ng Zoom meeting, ng teleconferencing meeting kasama namin ang top management ng DepEd, kasama rin namin si Congressman Roman Romulo ng Congreso para mapagusapan nga itong sitwasyon natin at ang sabi nila babalikan nila kami para tignan ang sitwasyon ng bawat eskwelahan para malaman natin kung anong action ang angkop para sa ganitong sitwasyon.

Q: Halimbawa napakarami yung estudyante, yung 60 per class? Halimbawa yung 30 papasok muna sa Lunes tapos yung remaining 30 ibang araw naman sila papasok?

SEN WIN: Correct. Parang ganun, for example kung twice a week yan on Monday let's say yung first batch. Tuesday yung second batch, Thursday fourth batch. So ganun po yung arrangement. Pero pag nasa bahay ho sila dito gagamit tayo ng telebisyon at radyo. Kung merong internet, internet din para tuloy-tuloy yung kanilang pag-aaral. Hindi porket wala sila sa eskwelahan hindi sila mag-aaral. Kahit sa nasa bahay lang sila dapat mag-aral din sila. Milky gusto ko lang idiin yung papel ng ating mga magulang. Dito talaga papasok yung responsibilidad ng magulang sa pagtuturo dahil nga learned from home tayo ang interaction ng bata sa magulang ay mas lalaki at lalawak. Ang magulang din ay mabibigyan ng papel sa pagtuturo.

Q: Anti-poor daw itong sistema? Ang sinasabi marami ring mga magulang, mga nanay especially ay hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral lalo na sa mga probinsya. Paano daw nila tamang matuturuan yung kanilang mga anak Senator Win?

SEN WIN: Hindi naman natin bibigyan ng mabigat na responsibilidad ang ating mga magulang sa pagtuturo kumbaga suporta lang sa mga guro natin. For example, yung mga basic Aritmethic or basic Reading, yun lang supporting role, parang tutor ang mga magulang natin. Hindi ho talaga sila yung mga taong magtuturo, tutor lang ho sila para sumuporta. Alalahanin ho natin, ngayon, lahat tayo ay nasa bahay, ang mga bata 24/7 kasama ang kanyang mga magulang. Sayang ang oras na yun kung hindi gagamitin ng magulang sa pagtuturo. Kung iiwanan lang nating ang mga anak natin mag-games, nako walang mangyayari, talagang mabobo at mabobo po yung ating mga anak. Yung responsibilidad na bibigay natin sa mga magulang ay simple lang pero malaki po ang maiaambag nito sa kaalaman ng kanilang anak.

Q: Nako dagdag trabaho kay Nanay pero pagdating sa edukasyon ng mga anak talagang tiyagain dapat ng Nanay yan Senator Win.

SEN WIN: Oo, tama ka Milky at nakita ko to many times ang ating mga magulang gagawin ang lahat para mabigyan ng tamang edukasyon ang kanilang mga anak at dahil nga nasa bahay tayo dapat gamitin natin tong oras sa pagtuturo sa ating mga anak.

Q: Ang sabi mo nga naapektuhan itong mga programa, the K to 12 dahil hindi natin ine-expect itong hybrid system. So ito ba'y magco-concentrate lang tayo on specific subjects? Science, English at Math?

SEN WIN: Correct. Bibgyan natin ng focus yung pinakamahahalagang subjects, yung mga top of mind ko, Science, Math, English and of course Reading kailangan rin natin. Ang DepEd gumagawa na ng isang curriculum for all the grades from kindergarten to grade 12 kung ano pa yung mga subjects na pwede nilang i-prioritize at ituro sa tv, sa radyo at online at kung ano pa yung mga subjects na pwede natin ihuli dahil kulang tayo sa oras. Hindi normal yung sitwasyon natin so ia-adjust natin yung curriculum para makapagturo ng maayos ang DepEd.

Q: Napagusapan Senator Win na pati ba Sabado papasukin sila pero online pa rin yung mga estudyante para hindi maaksaya yung school calendar ng mga bata?

SEN WIN: Pwedeng maglagay ng pasok sa Sabado at kung hahatiin natin ng dalawang batches, ibig-sabihin tatlong batches yung pagpasok, hindi ho natin maalis na baka pwedeng magkaroon ng pasok sa Sabado.

Q: Pero kasama rin sa meeting siguro sa darating na mga araw ang telcos natin Senator Win upang gumanda-ganda din yun reception ng internet lalo na sa malalayong lugar?

SEN WIN: Actually, isang aral na nakuha natin dito sa pandemya na ito, Milky, huli tayo sa paggamit ng teknolohiya pagdating sa pagtuturo. Isang dahilan diyan ay may kamahalan ang paggamit ng internet sa ating bansa at mabagal pa. Yung ibang lugar nga putol-putol pa. kaya isa rin pong pag-aaralan natin pagdating sa pagtuturo ay kung pwedeng ilibre na ang internet para sa kabataan, sa Department of Education at sa ating mga guro dahil kung ang telebisyon nga magbibigay ng 15 percent sa pagtuturo, dapat magbigay din ng 15% or even more ang telcos para sa pagtuturo. Sa pagtuturo lang naman dahil nga ang importante ngayon ay magamit natin ang kahit anong teknolohiya particular nga dito ay ang internet para po tuloy- tuloy at hindi maputol ang pag-aaral ng ating mga kabataan. Yun po ang isang bagay na pag-aaralan ho natin kung hindi pabigat, ngayon ho kasi ultimo online learning para sa mga magulang pabigat to eh dapat hindi pabigat. Para mapadali ang access nila, hindi na dapat ito dumagdag pa sa kanilang gastusin.

Q: Senator marami tayong mga nanay na naka-tune in ngayon at nagaabang sa balita tungkol dito sa school opening at syempre ang ating mga estudyante. Bilang chairman ng committee on Basic Education nasayo ang huling pananalita ngayong umaga.

SEN WIN: Well sa ating mga magulang stay at home. Manatili ho tayo sa ating mga tahanan dahil ito po ang pinaka-epektibong paraan para labanan ang covid virus. Pero ganunpaman kung nasa tahanan tayo at araw-araw natin nakikita ang ating mga anak. Gamitin natin yung oras na ito sa pagtuturo. Ako naniniwala ako na ang ating mga magulang ay merong paraan, merong angking galing sa pagtuturo. Sayang ang oras nila kung puro games, tv, puro comics ang binabasa nila. Gamitin na lang natin yung oras ngayon para magturo para mas tumalino po ang ating mga anak.

Q: Sasagutin na kita Senator Win, ang mga nanay ang unang teacher ng mga bata bago pumasok, diba? Pagsusulat ng pangalan, pagbabasa ng ABC ay lalong masusubok at lalong pang masusubok ngayong online na.

SEN WIN: Correct. So this coming Thursday magkakaroon po kami ng pagdinig ukol sa ating resolusyon. Titignan natin ang impact ng covid virus sa system ng edukasyon at paguusapan rin natin, dahil marami ding naghain ng mungkahi sa senado patungkol dito, kabilang dito si Senator Francis Tolentino, si Senate President Tito Sotto at Senator Villanueva. Titignan natin kung may posibilidad pa na iurong ang pagbubukas ng klase beyond August 24.

Q: Yan ang aantabayanan natin sa senado, on that note Senator Win maraming salamat at magandang umaga.

[end recording]

News Latest News Feed