Press Release
May 4, 2010

ZAMBO SUR, BAKA MATULAD SA MAGUINDANAO -- ROXAS
1 LP SUPPORTER, BRUTAL NA PINATAY

Kinondena ni Liberal Party President Senador Mar Roxas ang kawalan ng aksyon ng gobyerno upang mahinto ang political violence laban sa oposisyon kasunod ng brutal na pagpatay sa LP supporters na umaabot na ngayon sa 14, kabilang ang isang namatay sa Zamboanga del Sur kahapon.

Umaasa si Roxas na hindi matutulad ang Zamboanga del Sur sa Maguindanao dahil sa kapabayaan ng gobyerno at ng kapulisan para pigilan ang paglala ng karahasan laban sa mga supporters ng oposisyon.

Kaugnay nito, hinamon ni Roxas ang national police na tugisin at papanagutin ang mga salarin, kabilang ang mga kapwa nila pulis, na pumatay sa dalawang LP supporters sa Labangan.

Ayon kay Labangan Mayor Abubakar Afdal, patungo ang dalawang truck na sakay ang mga LP volunteers sa Barangay Langatod para sa kanilang regular na pagtuturo sa mga nakatira sa malalayong barangay hinggil sa automated polls sa May 10, nang hinarang sila ng mga armadong lalaki, pinababa at saka inutusang maglakad pauwi. Pero hindi pa nakalalayo ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ang mga biktima at pagkaraan ay sinilaban pa ang kanilang truck.

Kaagad namatay ang isa sa driver ng mga truck na kinilalang si Bakal Samal samantalang ang isa sa mga volunteers ng Partido Liberal ay hinostage diumano ng mga armadong suspek.

Reklamo ni Mayor Afdal, hindi makakaboto ang mga supporters ng LP, hindi dahil ayaw nila kundi dahil tinatakot at pinapatay sila ng mga pulis mismo sa Zamboanga del Sur.

Simula pa lang ng kampanya noong Pebrero ay hiniling na ng LP na palitan ang local police chiefs sa Zamboanga del Sur kasunod ng serye ng pagpatay sa mga supporter at local leaders ng partido na tutol sa gubernatorial bid ng misis ni incumbent Governor Antonio Cerilles.

News Latest News Feed