Press Release
May 7, 2024

Sen. Robinhood C. Padilla Privilege Speech

Video: https://www.youtube.com/watch?v=jrGTY9KAl_o

Mahal na Pangulo, itong mga nagdaang araw ay napakalaking hudyat para sa buong bayan ang magkaroon po ng mga tinatawag nating damdaming makabayan. Ito po ay nakikita natin hindi lamang sa bulwagan ng Senado kundi sa bulwagan ng HOR, pati na rin po sa iba't ibang ahensya, iba't ibang pribadong sektor ng bansa ang pagmamahal sa bayan umiigting dahil sa nangyari sa WPS.

Ngayon, mahal na Pangulo at Pinunong Mayorya, sa mga kagalang-galang na miyembro ng lupon na ito, tumitindig po ako sa pulpitong ngayong gabi sa bisa ng personal at kolektibong pribilehiyo na iginawad ng sambayanang Pilipino.

Hayaan po ninyong bahagya ko pong dalhin ang ating imahinasyon sa pagbabalik-tanaw sa mayabong at makulay na kasaysayan ng ating minamahal na bayan.

Ginoong Pangulo, sa mga baybayin ng mga isla sa kanluran ng Dagat Pasipiko, matatanaw na nakadaong ang mga banca na gawa sa matitibay na kahoy. Kung tawagin ang mga ito ay balangay o balanghai na siyang ginagamit ng ating mga ninuno sa pakikipagkalakalan sa ating mga kalapit na lupain tulad ng Tsina, Java, at Borneo.

At ganoon din po, pagka tiningnan natin at sinaliksik ang kasaysayan ng Austronesian race, makikita po natin na kabilang tayo at ang ating mga ninuno ay tunay na seafarers. Nakarating sila hanggang Madagascar.

At sa pagdating ng mga unang conquistador lulan ng mga malalaki at magagarang galleon at bapor sa ating kapuluan noong ika-15 siglo, lalong naging kilala ang paggamit ng mga sasakyang pandagat sa mga maharlika.

At sa kalagitnaan ng kolonisasyon hanggang sa pagtatapos ng rebolusyon sa ating bayan, hindi lumipas ang paggamit ng mga barko na bumubuo sa armada na naatasang magbigay proteksyon sa ating kapuluan mula sa mga dayuhan at lokal na mananakop.

Ngayon po, tatalon na po tayo sa kontemporaryong panahon, sa kasalukuyan.

Lulan ng mga modernong sasakyang pandagat, ang mga kalalakihan at kababaihang nakasuot ng kanilang mga kulay-abong combat uniform na sumumpa ng katapatan sa bandila upang proktesyunan ang ating karagatan, pangalagaan ang ating kinabukasan. Ika nga sa Ingles, Protecting the Seas, Securing our Future.

Sila po ay miyembro ng isa sa mga mahahalagang sangay ng ating sandatahang lakas. Sila po ang Hukbong Dagat ng Pilipinas.

Hindi naman po kaila sa atin ang importanteng papel na ginagampanan ng bawat dalawampu't-apat at limang daang (24,500) active personnel ng Philippine Navy, kabilang na dito ang sampung libo at tatlong-daang (10,300) kasapi ng Philippine Marine Corps.

Hindi po biro ang ginagawa nilang pagpapatakbo ng mahigit isang daang kagamitan na kinabibilangan ng mga barkong pandigma, mga tanke, mga eroplano, at mga unmanned aerial vehicles upang siguruhin ang kaayusan sa ating karagatan.

Gayunpaman, naniniwala ang isang eksperto na nahuhuli pa rin ang ating Hukbong Dagat pagdating sa naval capacity kumpara sa mga kapitbahay nating bansa dito sa Timog Silangang Asya.

Bagamat may mga pagkaantala na sa implementasyon ng AFP Modernization Program, naniniwala po tayo sa sinserong hangarin ng ating pamahalaan upang mapondohan ang ating pagbili ng mga kinakailangang kagamitan upang palakasin pa at mas maging makabago ang ating Sandatahang Lakas.

Sa gitna ng napakahahalagang papel na ginagampanan ng Philippine Navy sa pangangalaga ng ating Republika, nananatili po ang kanilang pagharap sa mga hamon na kung tutuusin ay dapat hindi na kasama sa kanilang mga inaalala.

Ginoong Pangulo, isa sa mga isingangguni ng Hukbong Sandatahan ang regular nilang problema sa daungan ng kanilang mga sasakyang pandagat lalo na ang ating pinakabagong barkong pandigma.

Sa paglalayag po ng ating mga sasakyang pandagat, batid naman po na bahagi ng operasyon ang maintenance activities gayundin ang pagrerefuel at reprovisioning.

Sa proseso po ng pagdaong, ipinaabot ng ating barkong pandigma sa kanyang operational commander ang intention na dumaong upang mag-refuel at mag-resupply sa mga ports ng bansa. Pagkatapos nito, ipagbibigay alam naman ng operational commander sa Naval Installation Facility Commander - na magpapaabot naman ng intensyon sa Philippine Ports Authority.

Ang PPA naman po ang kakausap sa sinumang umuupa sa kanilang daungan upang magkaroon ng clearance ang pag-dock. Kadalasan po, umaabot po ito ng apat hanggang apatnapu't walong (48) oras bago mabigyang pahintulot o espasyo sa mga daungan ang ating Philippine Navy. Depende rin po sa permisong ibibigay ng pribadong sektor kung gaano sila katagal maaaring manatili sa daungan.

Bagamat mayroon pong Memorandum of Understanding sa pagitan ng Navy at PPA, ang prayoridad po ay nananatiling nasa pribadong mga customers o kliyente, kung kaya't kahit mabigyan sila ng pwesto, pinapalipat o pinapaalis pa rin sila upang magtungo sa anchorage area.

Ang resulta po nito: mga delays sa kanilang mga misyon dahil sa tagal na hinihintay bago makapag-refuel, gayundin ang mas mabilis na wear-and-tear ng mga sasakyang pandagat dahil sa nahuhuling inspeksyon at maintenance procedures.

Ginoong Pangulo, ang inyo pong lingkod ay kumakatok sa puso ng ating private sector na nawa'y maging mas maluwag kayo sa pag-accommodate sa ating hukbo. Simple lamang po ang ating panawagan - ang mabigyan naman po ng access ang Philippine Navy vessels sa ating mga ports sa ilalim ng Philippine Ports Authority.

Umaasa rin po tayo na mabigyan ng puwang ang pagkakaroon ng convergence projects sa pagitan ng PPA at Navy sa pamamagitan ng mga mother agencies nito na Department of Transportation at Department of National Defense (DND). Tulad po ito ng TIKAS Program sa pagitan ng Department of Public Works and Highways at DND.

Marahil po ay makakatulong rin kung magiging bahagi na ng kontrata at mga future concession agreements ang access ng ating hukbo sa mga daungan.

My goodness naman Mahal na G. Pangulo, saan tayo makakita nito, sariling hukbo walang karapatan sa port natin? Pambihira. Paano binibili nating bagong barko? Di pupuwedeng laging nasa laot. Dapat meron yang bahay, may isang lugar na siya dadaong para ipapatay ang makina at ang barko makapahinga. Dahil pag sa laot patuloy tumatakbo ang makina. Kung walang pahinga ang barko sandali lang buhay nito. At di katanggap tanggap ang sitwasyon natin ngayon tayong lahat, lalahatin ko na, lahat na Pilipino sa oras na ito ay nag-aalab ang damdamin upang ipagtanggol ang ating bansa sa ginagawa ng ating kapitbahay na pang-aabuso sa atin. Pero ang katotohanan pala, ang ating mga ports di binibigyan ng karapatan ang ating hukbong dagat.

Higit po sa lahat, humihingi po tayo ng kooperasyon mula sa mga pribadong sektor bilang bahagi na rin ng ating mithiing magkaroon ng whole-of-government - ang sarap pakinggan; whole-of-nation - ang sarap talaga; whole-of-society approach sa pagpapaigting ng ating seguridad sa ating bansa. Sana ay makarating po ito sa ating mga kababayan, lip service, puro bibig, ito kailangan nating aksyunan.

Hindi naman po lingid sa ating kaalaman ang tumitinding sitwasyon sa Timog Dagat Tsina, sa West Philippine Sea, bunsod ng mga agresibong aksyon ng kabilang panig. Nararapat lamang na magkaroon tayo ng mga hakbangin sa paghahanda sa anumang senaryo na maaaring maganap sa ating bayan.

Ginoong Pangulo, kayo po ay aming tinitingala sa inyong pagmamahal sa AFP. Kaya po sana, kasama ang minamahal kong mga kasama sa bulwagang ito, kayo po ang tatanungin ko. Ano po ang maaari nating magawa upang maging mas handa sa mga posibilidad na maaari nating harapin, gusto man natin o hindi?

Kung kaya po ng ibang nasyon na tulungan ang ating bansa, tulad na lamang ng nagaganap na Balikatan Exercises ng ating hukbo, kasama ang mga sundalo ng America, nararapat lamang siguro po, Ginoong Pangulo, na asahan din natin ang suporta at tulong ng mga pribadong sektor nating mga kababayan.

Marahil po ay maliit na bagay ito para sa ilan, ngunit milya-milya po ang maaari nitong magawang tulong para sa ating Hukbong Pandagat, at sa buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Maraming salamat po, Ginoong Tagapangulo.

News Latest News Feed